Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 15 (PIA) – Magpupulong ngayong araw para sa isang Joint Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC) at Sorsogon Provincial DRRMC Year-End Disaster Risk Reduction Management Assessment Workshop ang mga pangunang ahensya ng pamahalaan at iba pang katuwang na organisasyon ng PDRRMC dito sa lungsod ng Sorsogon.
Sa programamng ipinadala ng PDRRMC alas-otso ang simula ng programa at matatapos alas singko ng hapon mamaya.
Kabilang sa mga itatampok sa year-end assessment ang pagbibigay ng overview ng pagtitipon, updates kaugnay ng Bulusan Volcano na ibibigay ng Phivolcs, ulat ng PAGASA ukol sa kalagayan ng panahon sa Sorsogon, review ng Bulusan Volcano Action Plan at operational plan na ilalatag ng mga action/response committee. Nakatakda ring magkaroon ng open forum, planning workshop at output presentation.
Ayon kay Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office Information Officer Von Labalan, layunin ng assessment workshop na tasain ang lawak ng ginawang interbensyon kaugnay ng pamamahala sa pagpapababa ng panganib dala ng kalamidad (Disaster Risk Reduction Management) sa lalawigan ng Sorsogon partikular sa anim na munisipalidad na may malaking kalantaran sa panganib dala ng pag-aalburuto ng bulkang Bulusan.
Maliban dito ay nais din ng PDRRMC na matukoy ang iba pang mga hakbang na maari pang gawin upang matulungan ang mga bayang ito at makagawa din ng integrated operational plan para sa Bulusan Volcano at matukoy din ang mga kaukulang ahensya at mga local government units (LGU) na siyang tutugon bago dumating, habang nagaganap at matapos maganap ang pag-aalburuto ng bulkan ayon sa mga mandato nito.
No comments:
Post a Comment