Thursday, December 15, 2011

Tuberculosis pang-anim sa pangunahing dahilan ng sakit at kamatayan sa bansa

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 15 (PIA) – Inilahad ng World Vision Philippines kung gaano kamapanganib sa kalusugan ng tao ang sakit na Tuberculosis (TB) sakaling hindi agad magamot ito.

Ayon sa kanilang datos, 75 Filipino ang namamatay araw-araw dahilan sa sakit na TB. Pang-anim umano ito sa pangunahing dahilan ng sakit at kamatayan sa Pilipinas at karamihan sa mga tinatamaan nito at namamatay ay yaong mga nasa produktibong edad mula 30-59 taong gulang na kadalasan ay mga kalalakihan.

Ayon pa sa World Vision, ang mga hindi nagagamot na pasyente ng TB ay maaring makahawa ng sampu hanggang labinlima katao bawat taon.

Kaugnay nito, inirerekomenda ng Department of Health (DOH) ang istratehiyang Directly Observe Treatment Shortcourse (DOTS) bilang epektibong solusyon upang magamot ang may sakit na TB.

Ayon sa World Health Organization, ang DOTS ang pinakamurang paraan ng paggamot ng TB kung saan anim na buwan ang magiging gamutan at ang pasyente ay dapat na hindi papalya sa pag-inom ng gamot araw-araw. Sa tala ng WHO mahigit na sa 26 milyong pasyente ng TB ang nagamot na ng DOTS mula nang simulan ito noong 1996.

Sa Sorsogon City, sa pamamagitan ng tulungang pagsisikap ng Local Health Unit at ng World Vision Philippines-Social Mobilization on TB Project, 26 na mga barangay ang nakabuo na ng 27 TB Task Force kung saan dalawang Task Force ang nabuo sa Barangay Bibincahan.

Pangunahing papel ng TB Task Force na tulungan ang mga Health Unit na maitaas ang case detection ng TB sa kanilang mga lugar nang sa gayon ay matukoy ang mga ito at agarang magamot upang hindi na makahawa pa sa iba.

Maaaring mahawa ang sinuman sakaling masinghot nito ang bacteriang tubercle bacilli na naisasama sa hangin sa pamamagitan ng pagsinga o pag-ubo ng nakasalamuhang taong may sakit na TB. Sa halip umanong ikahiya, mas makabubuting dumulog sa kanilang rural health unit o sa TB Task Force upang mapayuhan ito ng dapat gawin. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment