Friday, December 30, 2011

DOH-PHO, desididong mapababa ang bilang ng firecracker injury


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 23 (PIA) – Desidido ang mga opisyal ng kalusugan dito na mapababa ang bilang ng mga nabibiktima ng paputok at iba pang mga mapaminsalang bagay sa pagdating ng araw ng pasko at sa pagsalubong sa bagong taon.

Kaugnay nito muling ipinaalala sa publiko ng mga technical personnel ng Provincial Health office ang kampanyang Aksyon: Paputok Injury Reduction (APIR) na ipinatutupad ng Department of Health.

Sa kampanyang APIR limang babala ang binibigyang-diin tulad ng mga sumusunod: Mapanganib ang paggamit ng paputok; Lahat ng paputok ay bawal sa bata; Lumayo sa mga taong nagpapaputok; Huwag mamulot ng mga di sumabog na paputok; at Magpagamot agad kapag naputukan.

Sa pagsalubong naman ng bagong taonBagong Taon, may limang alternatibong mungkahi din ang DOH tulad ng: Itaguyod at makilahok sa “Community Fireworks Display”; Magdiwang ng ligtas kasama ang pamilya; Lumikha ng ingay gamit ang ibang bagay tulad ng torotot, busina, musika, lata at sirang kaldero; Makisaya sa ibang paraan tulad ng street party, concert at palaro; at Matuto sa mga ral ng nakaraan at magsimula nang maayos na buhay sa bagong taon.

Maliban sa pagpapaigting ng kampanyang APIR, nakasaad din sa sinusunod nilang memorandum na may bilang 2011-0310 na ipinalabas ng DOH ang pagsasailalim sa lahat ng mga ospital sa white code alert sa mga petsang Diyembre 24, 25, 31, 2011 at Enero 1, 2012 bilang paghahanda ng kanilang mga emergency unit at matiyak na matutugunan ang mga pangangailangang medikal kaugnay ng mga pagdiriwang.

Ayon pa sa memorandum, lahat ng DOH Sentinel Hospital ay dapat na mag-ulat sa Online National Electronic Surveillance System Registry ng DOH.

Patuloy din ang pagsasagawa ng Tetanus Surveillance na sinimulan noong Miyerkules, Disyembre 21 na matatapos hanggang sa Enero 21, 2012. Dapat umanong ireport agad sa kinauukulan ang lahat ng tetanus na nakuha mula sa mga paputok.

Mahigpit din ang atas ng DOH sa mga tauhan at opisyal sa kalusugan na ukol sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan upang mapaigting pang lalo ang public information campaign at iba pang mga adbokasiya partikular ang kampanya laban sa paggamit ng watusi, ilegal na mga paputok na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act 7183 o mas kilala bilang Firecracker Law.

Deklaradong Firecracker Free Zone din ang mga ospital kung saan ipinagbabawal ang pagbebenta o paggamit ng anumang uri ng mga paputok sa loob, labas at paligid nito. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment