Friday, December 30, 2011

PARCCOM mahalaga ang papel sa pagsusulong ng kaunlaran sa mga kanayunan


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 30 (PIA) – Simula nang ipatupad ang Republic Act 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law,malaki na ang naging papel na ginampanan ng  Provincial Agrarian Reform Coordinating Committee (PARCCOM) sa pagsusulong ng kaunlaran ng mga kanayunan lalo na sa mga Agrarian Reform Communities (ARC).

Ang PARCCOM ang nagsisilbing balangkas ng istruktura ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na pinamumunuan ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) kung saan nagsisilbing counterpart nito ang Barangay Agrarian Reform Committee (BARC)

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Officer (PARO) II at Executive Officer ng PARCOMM Roseller R. Olayres, ang PARCCOM ay hindi tagapagpatupad subalit may kapangyarihan itong gumawa ng mga resolusyon ukol sa mga sumusunod: land tenure and improvement (LTI), program beneficiaries’ development (PBD), at  yaong mga patungkol sa mga suliuranin at isyung may kaugnayan sa agrarian justice delivery (AJD).

May kapangyarihan din umano itong mag-utos sa mga ahensya ng pamahalaan na linawin ang usaping nangangailangan ng kanilang natatanging kakayahan at hurisdiksyon. May kapangyarihan din ang PARCCOM na magrekomenda ng mga presyo sa pamilihan, pumasok sa isang leaseback arrangement at magbigay ng kaukulang exemption mula sa ilang mga polisiya sa aplikasyon o di kaya’y baguhin ang ilang mga polisiya.

Sa Sorsogon, binubuo ang PARCCOM ng mga magsasaka, kinatawan ng agricultural cooperative, non-government organization at cultural community. Kasama din dito ang PARO at may mga kinatawan din ito mula sa Department of Agriculture, Department of Environment and Natural Resources at Land Bank of the Philippines na tumatayo bilang Government Sector Ex Officio Members. Ang Secretariat na binubuo ng kalihim at ingat-yaman ay pawang mga empleyado ng DAR na siyang nangangasiwa sa mga pangangailangang teknikal at administratibo ng komitiba. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment