Friday, December 9, 2011

International Day Against Trafficking gugunitain sa Dec 12


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, December 9 (PIA) – Muling gugunitain sa darating na Lunes, Disyembre 12, ang International Day Against Trafficking sa pangunguna ng Philippines Against Child Trafficking (PACT) sa pakikipagtulungan nito sa Inter-Agency Committee Against Trafficking (IACAT) na pinamumunuan ng Department of Justice (DOJ).

Kaugnay nito, higit pang pinaigting ang kampanya ngayong taon laban sa human trafficking sa ilalim ng tema ng PACT na “Komunidad Palakasin, Child Trafficking Sugpuin” at ng IACAT na “Laban Kontra Human Trafficking, Laban Nating Lahat”.

Ang paggunita sa araw na ito ay ginagawa taon-taon bilang pag-alala sa paglagda sa isang protocol sa pag-iwas, pagsugpo at pagpaparusa sa human trafficking particular sa mga bata at kababaihan at pagpapaigting pa ng United Nations Convention Against Transnational Organized Crime o mas kilala bilang Palermo Protocol.

Bilang pakikiisa naman ng Philippine Information Agency (PIA) sa kampanya upang matuldukan ang karahasan laban sa mga bata at kababaihan, pinangasiwaan nito ang pagsasa-ere at pagpapalabas sa buong bansa ng mga infomercial na kinabibilangan ng 37-seconder radio infomercial at video Animated Faces ukol sa mga kwento ng child trafficking na hango sa tunay na kasaysayan ng tatlong kababaihang nakaahon mula sa sex trafficking mula Diyembre a-singko hanggang sa Diyembre a-dose.

Sa Sorsogon, namahagi din ang PIA ng mga sticker at leaflet kung saan mababasa ng publiko ang mga mahahalagang konsepto at kaalaman ukol sa child trafficking.
Layunin nitong maikalat ang impormasyon ukol sa kinakaharap na suliranin hindi lamang sa bansa kundi maging sa buong mundo ukol sa child sex trafficking at kung papaanong maisusumbong sa mga kinauukulan ang mga insidente ng kahalintulad na krimen.

Ayon sa End Child Prostitution, Child Pornography and the Trafficking of children for sexual Purposes (ECPAT) Philippines, hindi lamang cross-border trafficking ang suliranin kinakaharap ng Pilipinas kundi mayroon ding tinatawag na internal o domestic child trafficking dito kung saan sapilitang dinadala ang mga bata at kababaihan mula sa mga kanayunan patungo sa mga lungsod upang doon abusuhin.

Sa infomercial hinihikayat ang publiko na isumbong sa mga awtoridad tulad ng pulis, opisyal ng barangay o di kaya’y sa tanggapan ng social welfare ang ganitong mga uri ng krimen o tumawag sa 02-1343 na siyang Action Line sa mga probinsya. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment