Thursday, December 8, 2011

Mag-aaral ng ‘School of Peace’ kinakikitaaan ng mga positibong pagbabago


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 6 (PIA) – Malaki umano ang naging pagbabago ng mga mag-aaral sa San Isidro Elementary School sa Castilla, Sorsogon matapos na gawin itong nag-iisang pilot School of Peace sa buong Luzon ng Bicol Consortium on Peace Education and Development (BCPED) sa pakikipagtulungan nito sa Department of Education (DepEd) kung saan suportado ito ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP).

Ayon sa School Principal  ng paaralan na si Mr. Teddy Jañola, iniulat sa kanya ng halos lahat ng mga guro na kinakitaan nila ng magandang pagbabago sa ugali at galaw ng mga mag-aaral kung saan nabawasan at halos ay hindi na rin ito nariringgan ng mga masasama at nakasasakit na mga salita laban sa kanilang kapwa.

Kinakikitaan na rin umano ang mga ito ng pagtitimpi at pag-iwas sakaling nakakanti ng kanilang kapwa mag-aaral at naging normal at popular na rin ang katagang “Peace be with you” sa loob ng paaralan.

Sa ilalim ng proyektong school of peace, isasama ng paaralan sa mga paksang-aralin ng mga mag-aaral sa karamihan ng kanilang mga asignatura ang mga konseptong may kaugnayan sa pagsusulong ng kapayapaan.

Ituturo din ng mga guro upang maikintal sa mga isipan at puso sa mga mag-aaral ang kahalagahan at pagpapahalaga sa kapayapaan upang matiyak ang mas magandang hinaharap para sa mga batang mag-aaral at maging mabuting tagasunod sa batas.

Hinasa din ang mga guro kung papaanong lumapit at mapalapit sa pamilya ng mga mag-aaral at sa mga kasapi ng komunidad na ginagalawan ng mga ito bilang bahagi ng kabuuang pamamaraan sa pagbuo ng kultura ng kapayapaan. Tinuruan din ang mga guro kung papaanong tipikal na maisama ang kaalaman ukol sa kapayapaan sa basic education curriculum, mga patakaran at aktibidad sa paaralan at relasyon sa kapwa upang maging sensitibo at maiwasan ang anumang aktibidad na magdadala ng kaguluhan, karahasan at di-pagkakaunawaan kundi sa halip ay maging mga tagapagsulong ng kapayapaan.

Malaki naman ang pasasalamat ng pamunuan ng paaralan sa pagkakapili sa kanilang bilot pilot school at umapela na rin ang punong-guro sa mga may mabubuting kalooban na suportahan sila sa kanilang pagsisikap na maisulong at mapanatili ang kapayapaan at tulungan silang makalikom ng mga aklat sa pamamagitan ng pakikiisa sa gagawin nilang aktibidad sa Disyembre 20, 2011 na tinagurian nilang “Aklat para sa Kapayapaan”.

Ang San Isidro, Castilla, Sorsogon ay isa sa mga kunsideradong “conflicted areas” partikular noong mga huling bahagi ng dekada nubenta dahilan sa mataas na kaso ng insurhensiya. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment