Monday, December 12, 2011

Komunidad malaki ang papel sa kampanya sa pagsugpo sa Human Trafficking


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, December 12 (PIA) – Sa paggunita ngayong araw ng International Day Against Human Trafficking, binibigyang-diin ng mga kinauukulan partikular ng Philippines Against Child Trafficking (PACT) ang mahalagang papel na ginagampanan  ng komunidad sa pagbuo ng kapaligirang makakatulong sa pag-iwas sa child trafficking lalo na ang pagtitiyak na ang mga mekanismong mangangalaga sa mga bata ay naisasakatuparan.

Ayon sa PACT, ang mga bata ang kadalasang nahaharap sa panganib ng pang-aabuso dahilan sa kawalang-muwang ng mga ito. Kung kaya’t dapat na mapaigting pang lalo ang mga kampanya laban sa human trafficking upang mabigyang atensyon ang mga pinag-uugatan nito tulad ng globalisasyon, kahirapan, kultura, hindi makatarungang pagtrato sa mga kababaihan, kakulangan sa edukasyon, pagkakasira ng mga pamilya at iba pa.

Ayon kay Sorsogon City Councilor Nestor Baldon, sinisikap nila ngayon sa Sangguniang Panlungsod na bigyang atensyon ang pagpapaigting pa sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC). Aminado ang opisyal na marami pa ring mga barangay sa lungsod ang kailangang magabayan upang makabuo ng BCPC habang ang iba naman ay kailangang buhayin upang maging aktibong muli.

Naniniwala din si Baldon na kinakailangn ang partisipasyon ng mga lider at pulitiko mula sa nasyunal hanggang sa lebel ng barangay tungo sa pagbuo ng mga lokal na mekanismo lalo na ang mga ordinansang makatutugon sa isyui ng pang-aabuso sa mga bata at kababaihan.

Mahalaga ding mapukaw ang kamalayan ng komunidad sa pamamagitan ng pagpapataas ng kapasidad ng mga ito at pagbibigay ng kaukulan at mahahalagang impormasyon ukol sa karapatan ng mga bata at kababaihan at kung papaanong sa kanilang sariling paraan ay makatulong sa pagsugpo sa human trafficking.

Matatandaang noong taong 2009, muling binigyang-diin ng PACT na ang kampanya sa pagsugpo sa child trafficking ay tulungang responsibilidad ng bawat kasapi ng komunidad sa ilalim ng temang “Proteksyon ng Bata, Responsibilidad Nating Lahat”. Habang noong nakaraang taon naman ay nakatuon ang panawagan sa pagpapaigting sa akses sa “Hustisya at Proteksyon para sa mga Batang Biktima ng Trafficking”.

Ngayong taon ayon sa PACT ay higit na kailangan pa ang ibayong pagsisikap ng komunidad, mga civil society organization, ahensya ng pamahalaan at mga local government unit upang maipatupad nang maayos ang RA 9208 o ang batas na mas kilala bilang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment