Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 12 (PIA) – Nagpapatuloy pa rin ang pagdiriwang ng Sosogon Festival 2011 ng lungsod ng Sorsogon na sinimulan noong unang araw ng Disyembre.
Ang festival ay isang buwang aktibidad bilang pagdiriwang sa pagkakatatag ng Sorsogon City noong December 16, 2000 sa bisa ng Republic Act No. 8806. Sa pamamagitan din ng isang plebisito, niratipikahan ng mga mamamayan nito na pag-isahin ang ang mga bayan ng Sorsogon at Bacon at gawing isang lungsod na pinangalanang Sorsogon City.
Ang pagdiriwang ngayong taon ay may temang “Pagharap sa epekto ng pagbabago ng klima, tiyak na daan tungo sa pag-unlad ng turismo”.
Maliban sa mga aktibidad na Pagsosog sa Museo: Lakaw sa Daan na Istorya, LakaDalagan para sa Kalikasan (Trekking at Pili Tree Planting Activity), aabangan pa rin ang iba pang mga aktibidad tulad ng Travel Photography Workshop sa Disyembre 13, Lakbay Diwa Alay sa Kalikasan Film Showing at Lyre and Drum Competition sa Disyembre 14, Christmas Float and Parol Contest at parada nito sa Disyembre 15.
Sa Disyembre 16 kung saan ipagdiriwang ang Foundation Day ng lungsod ay isasabay din ang gagawing Misa de Aguinaldo sa Sorsogon City Hall kung saan matapos ang banal na misa ay magkakaroon ng salu-salong almusal ang publiko sa City Hall grounds sa Brgy. Cabid-an.
Isasagawa din sa kaparehong araw ang Sosogon Street Dance Parade, Dance Ritual Exhibition and Competition at Fireworks Display.
Ang Sorsogon ay halaw sa salitang Sosogon na may kahulugang bakasin ang isang direksyon. Ang kauna-unahang Sosogon Festival ay ginawa noong Disyembre 2007 kung saan layunin nitong maipakita ang kahalagahan ng pagkakatatag ng Sorsogon City at maitampok ang kasaysayan at pagsasama bilang isa ng mga bayan ng Bacon at Sorsogon. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment