Friday, December 9, 2011

DA-HVCDP tugon sa pagpapaangat ng kabuhayan ng komunidad


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, December 9 (PIA) – Limang mga organisasyon sa lalawigan ng Sorsogon kabilang na ang Rural Improvement Club (RIC) ang tatanggap ngayong araw ng mga kagamitan para sa paggawa ng Pili Shellcraft.

Pangungunahan ng Department of Agriculture (DA), opisyal nang ipamamahagi ang limang set ng mga kagamitan kasama na ang mga makina sa mga aydentipikadong benepisyaryo ng Pili Development Program sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP).

Ang HVCDP ay isa sa mga prayoridad na programa ng DA na binuo upang matugunan ang seguridad sa pagkain, pagbabawas ng kahirapan at sustenableng pag-unlad ng komunidad.

Tinutulungan din nitong maisulong ang produksyon, proseso, bentahan at pamamahagi ng mga matataas na kalidad ng produkto at mapataas ang kita, makabuo ng oportunidad pangkabuhayan at makaambag sa pag-papaunlad ng pambansang agrikultura sa Pilipinas.

Inaasahang dadalo sa aktibidad sina Dr. Jose V. Dayao, Regional Executive Director ng DA-Bicol Regional Field Unit, HVCDP regional Coordinator Rose M. Imperial, Regional Agriculture and Fisheries Council (RAFC) Chair Alfredo Rillo, Provincial AFC Chair Godofredo Ditan, Sorsogon Provincial Management Office Executive Director Sally A. Lee at Asst. provincial Agriculturist Dr. Ma. Teresa V. Destura.

Ang opisyal na pamamahagi ng mga kagamitan ay isasabay din sa gagawing 178th Provincial Agriculture and Fisheries Council meeting kung saan tatalakayin ang mga naging kaganapan sa isinagawang 3rd Bicol AFC Summit 2011 at mga impormasyong nakuha mula sa ginanap na “Local Government Unit (LGU) Consultation on the Formulation of Agri-Fisheries Modernization Plan for 2012-2017”.

Nakatakda ring magbigay ng ulat ang mga Municipal AFC alinsunod sa National AFC monitoring/accomplishment forms at pagususmite ng PAFC secretariat ng mga kopya ng ginawa at ipinasang Municipal at City AFC resolution ngayong taon at paglalahad ng mga aksyong ginawa ng mga kinauukulang ahensya. (PIA Sorsogon)




International Day Against Trafficking gugunitain sa Dec 12


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, December 9 (PIA) – Muling gugunitain sa darating na Lunes, Disyembre 12, ang International Day Against Trafficking sa pangunguna ng Philippines Against Child Trafficking (PACT) sa pakikipagtulungan nito sa Inter-Agency Committee Against Trafficking (IACAT) na pinamumunuan ng Department of Justice (DOJ).

Kaugnay nito, higit pang pinaigting ang kampanya ngayong taon laban sa human trafficking sa ilalim ng tema ng PACT na “Komunidad Palakasin, Child Trafficking Sugpuin” at ng IACAT na “Laban Kontra Human Trafficking, Laban Nating Lahat”.

Ang paggunita sa araw na ito ay ginagawa taon-taon bilang pag-alala sa paglagda sa isang protocol sa pag-iwas, pagsugpo at pagpaparusa sa human trafficking particular sa mga bata at kababaihan at pagpapaigting pa ng United Nations Convention Against Transnational Organized Crime o mas kilala bilang Palermo Protocol.

Bilang pakikiisa naman ng Philippine Information Agency (PIA) sa kampanya upang matuldukan ang karahasan laban sa mga bata at kababaihan, pinangasiwaan nito ang pagsasa-ere at pagpapalabas sa buong bansa ng mga infomercial na kinabibilangan ng 37-seconder radio infomercial at video Animated Faces ukol sa mga kwento ng child trafficking na hango sa tunay na kasaysayan ng tatlong kababaihang nakaahon mula sa sex trafficking mula Diyembre a-singko hanggang sa Diyembre a-dose.

Sa Sorsogon, namahagi din ang PIA ng mga sticker at leaflet kung saan mababasa ng publiko ang mga mahahalagang konsepto at kaalaman ukol sa child trafficking.
Layunin nitong maikalat ang impormasyon ukol sa kinakaharap na suliranin hindi lamang sa bansa kundi maging sa buong mundo ukol sa child sex trafficking at kung papaanong maisusumbong sa mga kinauukulan ang mga insidente ng kahalintulad na krimen.

Ayon sa End Child Prostitution, Child Pornography and the Trafficking of children for sexual Purposes (ECPAT) Philippines, hindi lamang cross-border trafficking ang suliranin kinakaharap ng Pilipinas kundi mayroon ding tinatawag na internal o domestic child trafficking dito kung saan sapilitang dinadala ang mga bata at kababaihan mula sa mga kanayunan patungo sa mga lungsod upang doon abusuhin.

Sa infomercial hinihikayat ang publiko na isumbong sa mga awtoridad tulad ng pulis, opisyal ng barangay o di kaya’y sa tanggapan ng social welfare ang ganitong mga uri ng krimen o tumawag sa 02-1343 na siyang Action Line sa mga probinsya. (PIA Sorsogon)

Thursday, December 8, 2011

Mag-aaral ng ‘School of Peace’ kinakikitaaan ng mga positibong pagbabago


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 6 (PIA) – Malaki umano ang naging pagbabago ng mga mag-aaral sa San Isidro Elementary School sa Castilla, Sorsogon matapos na gawin itong nag-iisang pilot School of Peace sa buong Luzon ng Bicol Consortium on Peace Education and Development (BCPED) sa pakikipagtulungan nito sa Department of Education (DepEd) kung saan suportado ito ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP).

Ayon sa School Principal  ng paaralan na si Mr. Teddy JaƱola, iniulat sa kanya ng halos lahat ng mga guro na kinakitaan nila ng magandang pagbabago sa ugali at galaw ng mga mag-aaral kung saan nabawasan at halos ay hindi na rin ito nariringgan ng mga masasama at nakasasakit na mga salita laban sa kanilang kapwa.

Kinakikitaan na rin umano ang mga ito ng pagtitimpi at pag-iwas sakaling nakakanti ng kanilang kapwa mag-aaral at naging normal at popular na rin ang katagang “Peace be with you” sa loob ng paaralan.

Sa ilalim ng proyektong school of peace, isasama ng paaralan sa mga paksang-aralin ng mga mag-aaral sa karamihan ng kanilang mga asignatura ang mga konseptong may kaugnayan sa pagsusulong ng kapayapaan.

Ituturo din ng mga guro upang maikintal sa mga isipan at puso sa mga mag-aaral ang kahalagahan at pagpapahalaga sa kapayapaan upang matiyak ang mas magandang hinaharap para sa mga batang mag-aaral at maging mabuting tagasunod sa batas.

Hinasa din ang mga guro kung papaanong lumapit at mapalapit sa pamilya ng mga mag-aaral at sa mga kasapi ng komunidad na ginagalawan ng mga ito bilang bahagi ng kabuuang pamamaraan sa pagbuo ng kultura ng kapayapaan. Tinuruan din ang mga guro kung papaanong tipikal na maisama ang kaalaman ukol sa kapayapaan sa basic education curriculum, mga patakaran at aktibidad sa paaralan at relasyon sa kapwa upang maging sensitibo at maiwasan ang anumang aktibidad na magdadala ng kaguluhan, karahasan at di-pagkakaunawaan kundi sa halip ay maging mga tagapagsulong ng kapayapaan.

Malaki naman ang pasasalamat ng pamunuan ng paaralan sa pagkakapili sa kanilang bilot pilot school at umapela na rin ang punong-guro sa mga may mabubuting kalooban na suportahan sila sa kanilang pagsisikap na maisulong at mapanatili ang kapayapaan at tulungan silang makalikom ng mga aklat sa pamamagitan ng pakikiisa sa gagawin nilang aktibidad sa Disyembre 20, 2011 na tinagurian nilang “Aklat para sa Kapayapaan”.

Ang San Isidro, Castilla, Sorsogon ay isa sa mga kunsideradong “conflicted areas” partikular noong mga huling bahagi ng dekada nubenta dahilan sa mataas na kaso ng insurhensiya. (PIA Sorsogon)

Stranding whale shark operating protocol at action plan sa proteksyon at pangangalaga ng mga pating sa bansa bubuuin


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 8 (PIA) – Sa ikatlo at huling araw ng isinasagawang Technical Conference on the Protection of Whale Sharks in the Philippines dito sa lungsod ng Sorsogon, nakatakdang buuin ang dalawang mahahalagang hakbang at pamamaraan para sa proteksyon at pangangalaga ng mga pating sa bansa.

Ito ay ang action plan ukol sa tamang proteksyon at pangangalaga sa mga pating at ang Standard Operating Protocol sa pagtugon sa sa mga gumigilid sa baybayin at nagkakaproblemang mga pating o yaong stranded o breached whale sharks.

Ang National Fisheries and Aquatic Resources Management Council – Programme Management Centre (NFARMC-PMC) sa ilalim ng pagsubaybay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol ang siyang gagabay at magiging tapagturo sa prosesong gagawin. 

Kahapon, bilang paghahanda din sa mga kalahok sa paggawa ng protocol at action plan, itinampok ang pagtalakay sa mga sumusunod na paksa: Philippine and International Laws and Agreements on the Protection and Conservation of Whale Sharks at mga insyatiba at huling kaganapan ukol sa International Agreements/ Agenda on Whale Shark Protection and Conservation.

Inilahad din ang Regional Whale Shark Stranding Response Activities and Initiatives, Administrative Order No. 282 at ang papel na ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan at pangunahing ahensyang nasyunal ng pamahalaan sa pagbibigay proteksyon at pangangalaga ng mga pating.

Ayon kay BFAR Bicol Regional Director Dennis V. Del Socorro, mahalagang mapangalagaan ang kapakanan ng mga pating lalo’t kabilang ito sa listahan ng mga hayop o mammal na malapit nang maubos ayon sa tala ng International Union for Conservation of Nature.

Sa nagiging pagbabago ng panahon ngayon nararapat lamang umano na alam ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan at maging ng publiko ang mga dapat gawin sa paghawak sa kaso at pagbibigay ng mga pangunang-lunas sa mga nahuhuli o naiistranded na mga hayop sa dagat tulad ng pating.

Sa tala din ng BFAR, ang rehiyon ng Bicol ang may pinakamataas na bilang ng mga gumigilid o stranded mammal sa buong bansa. (PIA Sorsogon)