Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 30 (PIA) – Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Sorsogon sa mga nagmamay-ari ng lupa na magkakaroon ng pagtaas sa singil sa real property tax simula sa unang araw ng Enero sa susunod na taon.
Sa pahayag ng Sorsogon City Council ang pagtaas ng singil sa buwis ay bunsod ng pagtaas din ng fair market value ng mga real property hindi lamang sa lungsod kundi maging sa buong lalawigan ng Sorsogon.
Matatandaang una nang nagpasa ng isang ordinansa ang konseho ng lungsod, ang City Ordinance No. 018, series of 2011 na may titulong “An ordinance providing for an updated schedule of fair market values of real properties in the city of Sorsogon”.
Inaprubahan ng konseho ang nasabing ordinansa noong ika-21 ng Hunyo, 2011 at isinailalim na rin sa paglathala sa lokal na pahayagan.
Sinabi ni City Councilor Nestor J. Baldon, awtor ng ordinansa na ang ginawang iskedyul ng fair market value ay alinsunod din sa kasalukuyang halaga ng mga lupa real estate base sa isinagawang pagtatasa ng halaga nito.
Ang pagpapatupad ng bagong buwis ng mga lokal na pamahalaan ay pinapayagan ng batas bawat tatlong taon matapos ang pagsasagawa ng general revision ng property assessment alinsunod sa Republic Act 7160 o mas kilala bilang Local Government Code of 1991.
Saklaw ng pagbabagong ito ang tatlong distrito ng lungsod – ang Bacon, East at West District.
Samantala, maliban sa Sorsogon City, magkakaroon din ng pagtaas sa singil ng real property tax sa lalawigan ng Sorsogon alinsunod rin sa ipinasang Provincial Ordinance No. 01-2011 ng Sangguniang Panlalawigan kung saan ipapatupad din ang pagbabago sa labing-apat na mga bayan sa Sorsogon simula January 1, 2012. (PIA Sorsogon)