Thursday, January 26, 2012

Insidente ng krimen sa Sorsogon noong taong 2011 bumaba


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 20 (PIA) – Dalawampu’t siyam na bahagdan ang ibinaba ng insidente ng krimen sa lalawigan ng Sorsogon ayon sa datos na ipinalabas ng tanggapan ng Police Community Relations (PCR) ng Sorsoogn Police Provincial Office (SPPO).

Sa datos na pirmado ni Police Chief Inspector Martin G. Batacan, lumalabas na mula sa 1,328 na insidente ng krimen noong 2010 ay bumaba ito sa 941 noong nakaraang taon (2011).

Sa kabuuang bilang na ito, 511 ang index crime o yaong mga seryosong paglabag sa revised penal code habang 430 naman ang non-index crime o yaong mga paglabag sa mga espesyal na batas o mga lokal na ordinansa.

Kabilang sa mga nangunguna sa listahan ng index crime noong nakaraang taon ay ang physical injury, robbery, theft, murder, rape, homicide, cattle-rustling at carnapping.

Ang Sorsogon City ang may naitalang pinakamataas na insidente ng krimen sa bilang na 259 habang pumapangalawa naman ang bayan ng Irosin na may 113 na kaso.

Sa 941 na mga insidente ng krimen noong 2011, 410 na kaso ang kunsideradong ‘cleared’ o ibig sabihin ay nakilala na ang suspek at pinaghahanap na ito ng mga alagad ng batas, habang 110 naman ang kunsideradong ‘solved cases’ na ang ibig sabihin ay nasa kustodya na ng mga awtoridad ang suspek.

Ayon kay Batacan, ang pagbaba ng bilang na ito ay indikasyon na seryoso ang SPPO na masugpo ang mga insidente ng krimen dito nang sa gayon ay mapanatiling ligtas panirahan ang lalawigan ng Sorsogon.

Malaking tulong umano ang pagpapatupad ng mga bagong istratehiya sa pagsugpo ng krimen kasama na ang pinaigting na sistema ng police visibility at aktibong suporta ng komunidad.

Matatandaang umani ng iba’t-ibang mga pagkilala at parangal ang Sorsogon Police Provincial Office noong nakaraang taon tulad ng pagiging Best Police Provincial Office kung saan namantini nito ang titulo mula pa noong 2008. Nakuha din ni PSupt. Dionesio Laceda ang Best Provincial Public Safety Company habang nakuha naman ng Sorsogon City Police Station ang Best City Police Station Award sa ilalim ni dating Police Chief PSupt. Arturo Brual Jr.

Maliban dito, nakuha din ng Sorsogon ang limang pangunahing parangal tulad ng Best PCR Police Provincial Office, Best PCR City Police Station (CPS), Best PCR Municipal Police Station (MPS), Best PCR Commissioned Officer at Best PCR Non-Commissioned Officer sa isinagawang pagdiriwang ng PCR Month. (MHatoc/PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment