Thursday, January 26, 2012

Pagbisita ng Presidential Sister sa Sorsogon nagbigay pag-asa sa mga guro at mag-aaral


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 26 (PIA) – Nagbigay ng malaking kasiyahan at pag-asa sa mga guro at mag-aaral ang ginawang pagbisita ng Presidential Sister, Pinky Aquino-Abellada na siya ring chairman ng Aklat, Gabay, Aruga Tungo sa Pag-angat at Pag-asa (AGAPP) kasama ng ilan pang mga opisyal nito.

Ito ay matapos na tuluyan nang maipamahagi ang walong mga silid-aralan sa apat na mga piling munisipalidad sa lalawigan ng Sorsogon noong Huwebes, Enero 19, 2012.

Ang mga mapapalad na nabiyayaan ng dalawang kwartong mga bagong silid-aralan ng AGAPP ay ang Pilar Central Elementary School sa bayan ng Pilar, Donsol West Central School sa bayan ng Donsol,San Francisco Elementary School sa bayan ng Bulan at ang Manjumlad Elementary School sa bayan ng Matnog.

Ayon kay Abellada, layunin ng kanilang organisasyon na makapagtayo ng isangdaangmga silid-aralan kasama na ang mga silid-aklatan para sa mga pre-schooler sa unang taon ng paninilbihan ng Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na aniya’y tiyak na maisasakatuparan sa suporta na rin ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Kalihim Armin Luistro.

Ayon sa pamunuan ng DepEd Sorsogon, malaking tulong sa mga guro at mag-aaral ang pamamahaging ito ng mga silid-aralan lalo pa’t isa rin sa mga suliraning kinakaharap ng DepEd Sorsgon ang kakulangan sa mga silid-aralan.

Tiniyak din nito na hindi masasayang ang tulong na ito bagkus ay higit pa nilangpagyayamanin nang sa gayon ay mas marami pang mga mag-aaral ang mabigyan ng kaukulang kaalaman at edukasyon nang sa gayon ay maiahon din nila ang kani-kanilang mga sarili at pamilya sa kahirapan.

Samantala, naging aktibo naman ang mga kapulisan sa pagbigay ng seguridad sa naging pagbisitang ito sa mga bayan ng Matnog, Bulan, Pilar at Donsol para sa inagurasyon at pagbasbas sa mga silid aralan na tinaguriang AGAPP Silid Pangarap.

Nagpasalamat din ang pamunuan ng Philippine National Police Sorsogon sa pamumuno ni Provincial Director Police Senior Superintendent John CA Jambora dahilan sa kooperasyon ng mga Sorsoganon at sa aktibong pagbabantay ng kanyang mga tauhan dahilan upang maging maayos at mapayapa ang naging pagbisita ng Presidential Sister at mga kasamahan nito sa Sorsogon. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment