Tuesday, January 3, 2012

Organisasyong magpapalawak pa sa kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot binuo

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 3 (PIA) – Bilang pakikiisa sa kampanya ng pamahalaan na masugpo ang pag-abuso sa mga ipinagbabawal na gamot, isang organisasyon ang binuo ng ilang mga  piling kasapi ng media sa lungsod ng Sorsogon na magpapalawak at magpapaigting pa sa kaalaman laban sa ipinagbabawal na droga.

Ayon kay Aga Eduarte isa sa mga nag-organisa sa SAIDO, pinangalanan nila itong Sorsogon Anti-Illegal Drugs Organization (SAIDO) at ipinarehistro na rin sa Security and Exchange Commission noong Nobyembre 201.

Prayoridad nila ang pagsasagawa ng mga Information and Education Campaign (IEC) sa mga paaralan, mga kabataan kasama na ang mga out of school youth na balak nilang ipunin sa pamamagitan ng pederasyon ng Sangguniang Kabataan ng Sorsogon.

Dagdag pa ni Eduarte na dahilan sa bago pa lamang ang kanilang organisasyon ay tututukan na muna nila ngayong buwan ng Enero ang pagsasaliksik sa iba’t-ibang mga ahensya na maaaring maging katuwang ng SAIDO upang mapaigting ang kanilang pagpapalawak ng impormasyon at kaalaman ukol sa droga.

Maliban sa pakikipagkawing sa ibang mga ahensya, isa rin umano sa tututukan nila ngayong Enero ang produksyon ng mga hand-outs kasama na ang mga flyers, poster at mga booklet na magbibigay ng mga kakukulang kaalaman ukol sa mga ipinagbabawal na droga at sa pag-iwas dito.

Suportado din umano ang hakbang na ito ng isang aktibong Sorsoganong si Quezon City Anti-Drug Abuse Council Chief at Quezon City Rotary Club President Eric Domas kung saan nangako itong tutulungan ding maikawing sa Dangerous Drug Board of the Philippines ang nasabing organisasyon. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment