Monday, January 2, 2012

Transaksyon sa mga tanggapan balik na sa normal; mga mag-aaral balik-eskwela bukas


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 2 (PIA) – Matapos ang holiday break kaugnay ng naging selebrasyon ng pasko at bagong taon, balik na ngayon sa normal ang transaksyon sa iba’t-ibang mga tanggapan ng mga pamahalaang lokal at nasyunal sa buong lalawigan.

Sa isinagawang pag-iikot ng PIA Sorsogon alas-otso y medya ng umaga kanina, bago pa man magbukas ang mga courier, cargo at mga bangko ay pila na ang mga kliyente para sa kani-kanilang mga transaksyon.

Sa mga pantalan at terminal ng bus naman, simula pa kahapon ay dagsa na ang mga pasahero kaugnay na rin ng pagsisibalikan ng mga bakasyunista at maging ng mga mag-aaral lalo pa’t balik-eskwela na rin ang mga ito bukas.

Inatasan na rin ni Sorsogon City Police Chief PSupt Edgardo Ardales ang kanyang mga tauhan na maging alerto sa posibilidad ng pagdagsa ng mga mag-aaral bukas at sa magiging mabigat na daloy ng trapiko sa kabisera ng lungsod.

Nanawagan din ang mga awtoridad sa mga mag-aaral na maging maingat sa kanilang mga kagamitan at mga allowance at iwasan ang mga kaduda-dudang mga taong lumalapit sa kanila upang maiwasang maloko o mapagsamantalahan ng mga masasamang elementong nais lamang maghasik ng mga kaguluhan. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment