Wednesday, February 8, 2012

Dredging at re-channeling ng Cadac-an River isinusulong sa Sangguniang Panlalawigan


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 8 (PIA) – Isinusulong ngayon ni Sangguniang Panlalawigan Board Member Benito Doma ang paghuhukay at re-channeling ng Cadac-an River na matatagpuan sa ikalawang distrito ng Sorsogon partikular sa mga bayan ng Juban at Irosin.

Ito ay upang maiiwas umano ang mga residente sa epektong dala ng mga pagbaha at pagguho ng lupa lalo na sa mga bayan ng Irosin at Juban na sakop ng ilog ng Cadac-an.

At bilang isa sa epektong hakbang sa pag-iwas na ito sa mas malalaking panganib, humingi ng tulong si Board Member Doma sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pamamagitan ni DPWH Secretary Rogelio L. Singson para sa dredging at re-channeling ng nasabing ilog.

Ayon kay Board Member Doma, dapat itong mabigyan ng kaukulang aksyon lalo na’t mataas ang produksyo ng agrikultura tulad ng mga gulay at palay sa mga apektadong bayan.

Karamihan din umano sa mga residente dito ay umaasa sa ani ng kanilang mga pananim kung kaya’t dapat lang na maiiwas ang mga ito sa mga epektong dala ng kalamidad at sa mga pangyayaring maaaring magdulot pa ng dagdag panganib sa buhay at ari-arian ng mga residente.

Sa ngayon ay pinag-aaralan na rin ang iba pang mga hakbang na dapat gawin sa mga residente tulad ng relokasyon sakaling maaprubahan ang kahilingang ito lalo’t hindi lamang tirahan ang dapat isa-alang-alang kundi maging ang kabuhayan ng mga naninirahan sa magihit sampung mga barangay na apektado ng Cadac-an River. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment