Tuesday, February 7, 2012

Unang kaso ng rabis sa Sorsogon ngayong taon naitala sa Bulan


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 7 (PIA) – Nagpositibo sa rabis ang asong nakakagat ng tatlong mga mag-aaral sa Obrero Elementary School sa bayan ng Bulan noong ika-30 ng Enero, 2012 bago bago tuluyang namatay kinabukasan ang nasabing aso.

Ayon kay Sorsogon Provincial Veterinarian Dr. Enrique Espiritu, sa ipinalabas na resulta noong Pebrero 1, 2012 ng Regional Animal Diagnostic Laboratory  ng Department of Agriculture na nakabase sa Camalig, Albay, lumabas na positibo sa rabis ang asong pag-aari ng isang pribadong indibidwal na residente ng Brgy. Obrero, Bulan.

Tatlong batang edad lima, walo at labing-isa ang nabiktima na agad na naisugod sa Irosin District Hospital at nalapatan ng anti-rabies injection bago pa man umipekto ang rabis sa kanila.

Ayon kay Dr. Espiritu, ito ang kauna-unahang kaso ng rabis na naitala sa Sorsogon ngayong taon habang tatlong kaso lamang ng rabis ang naitala noong nakaraang taon.

Sa ngayon ay nakipag-ugnayan na umano ang Provincial Veterinary Office sa tanggapan ni Bulan Mayor Helen De Castro at hinihintay na lamang nila ang ‘go signal’ ng alkalde bago sila tuluyang magsagawa ng ring vaccination sa Bulan.

Kaugnay nito muling nagpaalala sa publiko si Dr. Espiritu na patuloy na mag-ingat sa rabis sanhi ng kagat ng aso at sa mga may-ari na pabakunahan ang kanilang mga alagang aso.

Muli ding ipinaliwanag ni Dr. Espiritu na sakaling makagat ng aso o anumang hayop ang sinuman lalo ang mga bata ay agad itong komunsulta sa doktor o sa kanilang mga Rural Health Unit (RHU) upang agarang maagapan ang posibilidad ng pagkalat ng rabis sa katawan ng mga ito. Obserbahan din diumano ang mga pagbabagong maaaring maganap sa hayop. Mamatay man o hindi ang hayop ay dapat pa rin umanong komunsulta at magpaineksyon ang mga nabiktima.

Samantala, sinabi ni Dr. Espiritu na vaccination o pagbakuna sa mga aso pa rin ang mas pinipiling paraan ngayon sa buong mundo sa pagkontrol o pagsugpo ng rabis. Dapat umanong maging maingat ang publiko laban sa rabis sapagkat mas marami ang namamatay dahilan sa rabis kaysa sa ibang mga nakakahawang sakit lalo na sa mga papaunlad pa lamang na bansa tulad ng Pilipinas. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment