Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 7 (PIA) – Matapos maitala ang pagbaba ng bilang ng mga insidente ng sunog noong nakaraang taon sa lungsod ng Sorsogon kumpara noong 2010, target ngayon ng pamunuan ng Bureau of Fire (BFP) Sorsogon City Station na magkaroon ng zero-fire incidence sa taong 2012.
Ayon kay Sorsogon City Fire Station Chief Administrator at Investigator Senior Fire Officer 3 Jose Ebdani, mataas ang kumpyansa nilang makakamit nila ang kanilang target ngayong taon dahilan sa pinalawak na Information and Education Campaign ng BFP Sorsogon at sa buong pusong suporta na rin ng mga mamamayan ng lungsod.
Aniya, noong 2011, nakapagtala lamang sila ng anim na insidente ng sunog sa lungsod, higit na mababa ito kumpara noong 2010 kung saan umabot sa labingsiyam ang bilang ng mga insidente ng sunog na naitala.
Sa kabuuang bilang ng mga insidenteng ito, dalawa ang naitala sa Brgy. Bibincahan, at tig-iisa naman sa mga Bgy. Guinlajon, Pangpang, Talisay at isa din sa distrito ng Bacon. Wala din umanong naitalang nasugatan o namatay sanhi ng nasabing mga sunog.
Ayon pa kay Ebdani kung nakayanang mapababa ang bilang ng mga insidente noong 2011, higit pa nila umanong pag-iibayuhin ang kanilang pagsisikap ngayong 2012 upang makamit ang kanilang target. Suporta at pagtutulungan lamang aniya sa pagitan ng bawat mamamayan at mga awtoridad ang kailangan nang sa gayon ay naiiwasan ang pagkawala ng buhay at ari-arian dala ng sunog.
Samantala, handa at nakalinya na rin ang mga aktibidad ng BFP Sorsogon City para sa selebrasyon ng Fire Prevention Month sa susunod na buwan. Kabilang na dito ang pagpapaigting pa ng kampanya sa kamalayan ng publiko ukol sa pag-iwas sa sunog at sa mga dapat gawin sakaling nagkakaroon ng sunog. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment