Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 27 (PIA) – Kaugnay ng patuloy na isinasagawang impeachment trial kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona, inihayag ni Integrated Bar of the Philippines (IBP) Sorsogon Chapter President Atty. William Erlano na posibleng maapektuhan nito ang pagpasok ng mga imbestor at pamumuhunan ng mga negosyante sa Pilipinas.
Ayon kay Erlano, maaaring magkaroon ng pag-aalinlangan ang mga negosyanteng nais mamuhunan sa bansa dahilan sa hindi pagkakaroon ng malinaw na batas at mga patakarang ipinatutupad sa bansa kung saan ang iba dito ay kinukunsidera pang unconstitutional.
Subalit sa kabilang dako, inihayag naman ni 1st District Sorsogon Provincial Board Member Atty. Arnulfo Perete na kung titingnan ang impeachment trial sa positibong pananaw, higit umanong mahihikayat pa ang mga negosyante na pumunta at mamuhunan sa Pilipinas dahilan sa mas nakikita at napatutunayan nilang nasusunod ang tinatawag na ‘rule of law’ kung saan hindi basta-bastang napapaalis ang isang nakaupo sa pwesto nang hindi dumadaan sa tamang proseso ng batas.
Sinabi pa ni Perete na nagpapatunay lamang ang kasalukuyang nagaganap na mga proseso na aktibo pa rin ang demokrasya at konstitusyon sa Pilipinas at handa ang bansang Pilipinas na ipakita ito saan man sa mundo. (HBinaya/BArecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment