Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 15 (PIA) – Magpapatuloy sa pag-iikot ngayong araw ang mga kinatawan ng iba’t-ibang mga lokal na pamahalaan ng bansang Cambodia dito sa Sorsogon matapos dumating ang mga ito kahapon, kaugnay ng gagawin nilang pagbisita dito upang makakuha ng mga kaalaman ukol sa mga istratehiyang ginagawa ng lokal na pamahalaan ng Sorsogon partikular ng Sorsoogn City ukol sa Climate Change Adaptation and Mitigation (CCAM).
Ayon kay Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda, ipapakita nila sa mga taga-Cambodia ang iba-ibang mga inisyatiba ng pamahalaang lungsod ng Sorsogon na naging daan upang magawa nito ang mga mekanismo at istratehiyang kailangan upang makaagapay sa pagbabago ng panahon at mabawasan ang mga negatibong epektong dala ng mga pagbabagong ito.
Ngayong araw ay bibisita ito sa Brgy. Tugos upang makita at makapulot ng mga ideya at aral ukol sa epektibong pagpapatupad ng Ecological Solid Waste Management Program. Ang Brgy. Tugos ay makailang ulit na ring kinilala dahilan sa Solid Waste management best practices nito.
Ilan pa sa mga ipapakita nila ay ang mga itinayong Materials Recovery Facilities at automatic weather station, paggamit ng solar energy sa mga ilaw sa kalye at ang tinatawag na retro-fitting program sa mga kisame upang mapigilan ang pagpasok ng mainit na singaw sa loob mula sa bubong kung saan una na nilang sinubukan at napatunayang epektibo sa kisame ng City Hall ng lungsod.
Ipinagmamalaki din ngayon ng lungsod ang School Mitigating Adapting Risk and Threat (SMART) school na ginagamit bilang evacuation center sa mga panahong nagkakaroon ng kalamidad.
Ayon pa kay Dioneda, hindi rin maglalaon ay ipapatupad na rin sa lungsod ang paggamit ng 4-stroke tricycle motor upang mabawasan ang polusyon sa hangin.
Ibabahagi din ng alkalde ang mga ginagawang hakbang at pamamaraan ng lungsod upang mabigyang kamalayan at kaalaman ang publiko ukol sa tamang paghahanda at pamamahala sa panahong nagkakaroon ng kalamidad.
Ang lungsod ng Sorsogon ay isa sa mga pilot cities ng UN Habitat sa ilalim ng CCAM program nito at simula noong nakaraang taon ay inirerekomenda na ito ng UN Habitat bilang isa sa mga lugar sa Asya na maaaring bisitahin at mapulutan ng mga natatanging kaalaman.
Inaasahan ding makikipagpalitan ng magagandang karanasan ang mga kinatawan ng Cambodia na magtatagal sa Sorsogon hanggang sa Pebrero 16. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment