Monday, February 13, 2012

NYC nanawagan sa mga kabataang sumali sa 9th National Youth Parliament sa Mayo 2012


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 13 (PIA) – “Maging daan tungo sa pagbabago, lumahok sa ika-siyam na pagtitipon ng mga Kabataang Pinuno,” ito ang panawagan ng National Youth Commission (NYC) sa mga kabataan kaugnay ng gagawing pagtitipon ng mga Kabataang Pinuno sa Mayo 2-6, 2012 na gaganapin sa Naga City.

Ayon kay Nydia P. Delfin ng NYC, kailangan nila ang tinig ng mga kabataan at gawing instrument ang ito sa pagbabago kung kaya’t hinihikayat nila ang bawat kabataan na may edd 15-30 na lumahok sa gagawin nilang 9th National Youth Parliament (NYP) sa lungsod ng Naga sa unang linggo ng Mayo ngayong taon upang makagawa ng mga polisiya at rekomendasyong makakatugon sa mga pangunahing usapin ng kabataang Pilipino.

Ang pagtitipon ay nakatuon sa temang: “Revolutionalizing Youth Development” na may layuning magkaroon ng pagkakataon ang bawat kabataan na ipahayag ang kanilang opinyon o saloobin sa mga usaping pangkabataan, mabigyan sila ng pagkakataong makilala ang kapwa kabataan mula sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas at magkaroon ng Ugnayan sa isa’t-isa tungo sa ikauunlad ng mga kabataang Pilipino.

Inaasahan ng pamunuan ng NYC ang higit sa dalawang-daang kabataan na dadalo dahilan sa ang mapipiling dalawang kabataan mula sa bawat probinsya at apat na kabataan mula sa apat na sektor ng rehiyon ay walang ibang babayaran maliban sa kanilang pamasahe papunta sa lugar na pagdarausan ng pagtitipon at pabalik sa kanilang pinaggalingang lugar.

Kwalipikadong makasali ang mga kabataang Pilipinong may edad 15-30 ngayong ika-29 ng Pebrero, naninirahan ng anim na buwan o higit pa sa isa sa mga probinsya sa Pilipinas, kasapi ng isang aktibong organisasyon, kinakikitaan ng mgandang halimbawa, at maaaring makatulong sa layunin ng National Youth Parliament.

Maaari itong pumunta ng personal o tumawag sa pinakamalapit na tanggapan ng NYC o bisitahin ang pahina ng NYC sa www.nyc.gov.ph upang makakuha ng porma sa pagtitipon at mangyaring ipadala ito sa National Youth Commission Southern Luzon Area  Ground Floor, Naga City Youth Center Building Taal Avenue, Magsaysay, Naga City na may teleponong : (054) 473-0435 o mag-email sa nyc_nagacity@yahoo.com.

Dapat na maipadala ang nasulatang porma ng paglahok sa ika-29 ng Pebrero, 2012. (NYC/BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment