Thursday, February 23, 2012

Proyekto ng OPAPP at DILG-LGA sa Sorsogon pasisinayaan

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 23 (PIA) – Pasisinayaan sa Biyernes, Pebrero 24, ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) kasama ng Department of Interior and Local Government – Local Government Academy (DILG-LGA) ang natapos nang mga proyekto nito sa bayan ng Gubat at Barcelona, Sorsogon sa ilalim ng Sorsogon Initiatives Project.

Ito ang inihayag ni Anj Segovia, Operations Manager ng Communications Department ng OPAPP sa naging komunikasyon nito sa tanggapan ng PIA Sorsogon kamakailan.

Alas dyes y medya ng umaga mauunang magsagawa ng programa sa Barangay Sta. Ana, Gubat habang alas dos y medya naman ang gagawing programa sa Poblacion, Barcelona.

Inaasahan ang pagdating nina OPAPP Director Ma. Eileen Jose, ASec. Howard B. Cafugauan, AECID General Coordinator Vicente Selles Zaragozi, LGA Executive Director Marivel Sacendoncillo at Sorsogon Governor Raul R. Lee na nakatakdang magbigay ng kani-kanilang mga mensahe ng kapayapaan.

Magbibigay naman ng mga kasagutan ang Punong Barangay ng Sta. Ana at kinatawan ng iba’t-ibang mga asosasyon ng magsasaka sa Barcelona matapos ang paggawad ng mga sertipiko sa mga ito.

Matatandaang naging pilot area ng pamahalaan ng Espanya sa pamamagitan ng Agencia Espanola de Cooperacion Interncional para el Desarrollo (AECID) ang Brgy. Sta. Ana sa Gubat at ang Poblacion sa Barcelona na sinimulang ipatupad sa pamamagitan ng OPAPP at DILG-LGA noong 2010. Mga proyektong pang-imprastruktura ang ipinatupad dito tulad ng paglalagay ng mga irigasyon, farm-to-market road at iba pa.

Ang Sorsogon Initiatives ay samahang pagsisikap ng OPAPP at ng DILG-LGA na pinondohan ng pamahalaan ng Espanya sa pamamagitan ng AECID sa ilalim ng ikatlong yugto ng programa nitong Strengthening the Local Governments in the Philippines kung saan layon nitong bigyang kapangyarihan ang mga lokal na komunidad sa pamamagitan ng pagpapataas ng antas ng kanilang partisipasyon sa lokal na pamamahala at pakikilahok sa paghahanda at pagpapatupad ng mga proyektong pangkapayapaan at pangkaunlaran.

Sa pamamagitan ng Sorsogon Initiative ay natulungan ang mga mamamayan sa komunidad na ipatupad ang mga proyektong pang-imprastruktura bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan ng na makamit ang kapayapaan sa lugar. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment