Friday, March 9, 2012

House Bill 00744 suportado ni DENR Sec. Paje

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 9 (PIA) – Suportado ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon Paje ang House Bill 00744 na sa kasalukuyan ay nasa kongreso na. Ang HB 00744 na isinusulong ni Kinatawan Jane Tan Castro ng Capiz ay nagnanais na gawing heinous crime o patawan ng capital punishment ang ilegal na pagtotroso.

Ayon kay Sec. Paje, hiniling niya sa mga mambabatas ang pagpasa ng HB 00744 na magpapataw sa ilegal na pagtotroso bilang mabigat na krimen nang sa gayon ay maiwasan na ang mga kaso ng pagpatay sa mga tagapangalaga ng kagubatan.

Matatandaang pinatay ang isang DENR tree marker sa Agusan del Sur at nilusob sa kanyang bahay ang isang forestry specialist sa Cagayan na pawang nagpatupad lamang ng kanilang trabaho laban sa mga ilegal na magtotroso nito lamang Pebrero 2012.

Kaugnay nito ay ipinag-utos ni Pangulong Aquino sa DENR, Departement of Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mas mahigpit na kampanya laban sa ilegal na pagtotroso kasama na ang pagbibigay proteksyon sa mga tagapagpatupad ng batas at tagapangalaga ng kagubatan.

Ipinaliwanag din ni Paje na kung ang nagtutulak ng droga at nagsasabotahe ng ekonomiya ay pinapatawan ng mabigat na penalidad, dapat lang din umanong patawan din ng kahalintiulad na parusa ang mga ilegal na nagtotroso sapagkat katumbas ng mga kahoy na ilegal nilang pinuputol ay nagdudulot ng pagkasira hindi lamang ng iisang buhay kundi buhay ng pamilya at komunidad. (RMendones, DENR/BARecebido, PIA Sorsogon)




No comments:

Post a Comment