Friday, March 9, 2012

Mga nakumpiskang kahoy mula sa ‘second growth forest’ magiging pag-aari na ng pamahalaan


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 9 (PIA) – Inihayag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon Paje na simula noong unang araw ng Marso 2012, ipinatupad na nila ang bagong patakaran na ang lahat ng mga troso, tabla at kahoy na nakumpiska at napag-alamang mula sa natural o second growth forest ng bansa  ay magiging pag-aari na ng pamahalaan.

Aniya, ibibigay ang mga nakumpiskang kahoy sa Department of Education (DepEd) upang gawing mga upuan at mesa nang sa gayon ay mapakinabangan sa mga paaralan.

Sinabi din ni Paje na binigyan na nila ng deadline noong ika-28 ng Pebrero, 2012 ang mga kumpanyang may kaugnayan sa pagtotroso o timber firms  upang maibyahe na ang lahat ng mga na-imbentaryong produktong kahoy mula sa natural o second growth forest alinsunod sa itinatakda ng Resolution No. 6 ng National Anti-Illegal Logging Task Force (NAILTF).

Binigyan din ng siyamnapung araw na palugit ang mga timber licensees mula noong ika-28 ng Nobyembre 2011 hanggang ika-28 ng Pebrero ngayong taon upang maibyahe na ang mga troso sa kundisyong nakapagbayad na sila ng kaukulang singil sa paggamit ng mga rekursos mula sa kagubatan bago ang ika-21 ng Mayo noong nakaraang taon.

Samantala, inihayag din ni Paje na kabilang na rin sa hukbo ng National Anti-Illegal Logging Task Force ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang magbigay seguridad, at mga opisyal ng Forestry at legal division ng DENR at Department of Justice (DOJ) upang magbigay naman ng teknikal at legal na kapasidad sa NAILTF. (Ruby Mendones, DENR/PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment