Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Marso 1 (PIA) – Opisyal nang sinimulan kaninang umaga ang pagbubukas ng pagdiriwang ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso sa pangunguna ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Tinampukan ito ng ginawang motorcade at pagbubusina na agad na sinundan ng paglalagay ng mga streamers at pamamahagi ng mga leaflet at flyers upang mapatibay pa ang kamalayan ng publiko ukol sa pagiging alerto sa pag-iwas sa maaaring pagmulan ng sunog at trahedya.
Pangungunahan din ng BFP ang gagawing 2012 1st Quarter Simultaneous Earthquake at Fire Drill kung saan alas nuebe ng umaga ang earthquake drill habang alas dos naman ng nakatakda ang fire drill sa pakikipagtulungan sa Department of Education (DepEd).
Ayon kay Provincial Fire Marshall Achilles Santiago, maliban sa mga pambungad na aktibidad na ito ay magsasagawa din sila ng tuloy-tuloy na pag-iinspeksyon ng mga fire hydrants at mga pasilidad pangkaligtasan ng establisimyento at mga boarding house sa lalawigan. Nakatakda ring magsagawa ang BFP ng feeding program, tree planting activity, clean-up drive, blood letting activity at fire truck visibility. Tuloy-tuloy din umano ang pamamahagi nila ng mga Information, Education and Communication (IEC) material sa mga paaralan at komunidad.
Magkakaroon din ng Open House sa Marso 9, 2012 kung saan iimbitahan ang mga mag-aaral sa elementarya sa lungsod ng Sorsogon upang makita nila ang gamit ng mga bumbero at maipaliwanang sa mga ito ang papel na ginagampanan, tungkulin at kahalagahan ng BFP.
Samantala, nanawagan pa rin si Santiago sa mga may-ari ng establisimyento at mga boarding house dito lalo yaong hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakasunod sa itinakda nilang fire safety requirement sa ilalim ng Fire Code Law na punan na ito sa lalong madaling panahon upang hindi na malagay pa sa peligro ang kanilang mga ari-arian. Aniya, kadalasan nang ang paggamit ng mga sub-standard na mga outlet at pag-ooverload nito ang nagiging sanhi ng mga nairerehistrong sunog.
Matatandaan namang mahigpit ang panawagan ni Department of Interior and Local Government Secretary Jesse M. Robredo sa BFP na paigtingin pa ang kanilang kampanya ukol sa pag-iwas sa sunog at hikayatin ang publiko na suportahan sila sa kanilang kampanya.
Ang pagdiriwang ng Fire Prevention Month ay alinsunod sa Presidential Decree No. 115-A na nilagdaan noong 1967 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment