Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 28 (PIA) – Inabisuhan ng Department of Science and Technology (DOST) sa pamamagitan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga residente sa mga natukoy nilang lugar sa rehiyon ng Bikol na lantad sa panganib ng tsunami na mag-ingat at maging alerto sa pagmasid sa galaw ng karagatang malapit sa kanila kahit sa mga normal na panahon.
Ayon sa pamunuan ng ahensya, ang panganib dala ng alon ng dagat ay nangangailangan ng tinatawag na ‘real-time observation’ at mabilisang pagpapakalat ng impormasyon nang sa gayon ay agad na makapaghanda ang mga maaapektuhang residente.
Sa lalawigan ng Sorsogon, ang mga bayan ng Prieto Diaz, Gubat, Barcelona, Bulusan, Sta Magdalena, Matnog at ang Distrito ng Bacon sa Lugsod ng Sorsogon na matatagpuan sa mga baybayin ng Philippine Sea ang tinukoy ng Phivolcs na mga lugar na lantad sa panganib ng tsunami.
Ang mga kostal na lugar na ito umano ay malapit sa Philippine Trench na siyang pinagmumulan ng mga lindol at tsunami.
Ayon sa Phivolcs, ang lindol na may lakas na intensity 8.1 ay maaaring magdulot ng tatlo hanggang sa anim na metrong taas ng alon na mapanganib sa buhay at ari-arian ng mga residente malapit sa lugar.
Ito umano ang dahilan kung bakit dapat na maging alerto at maging mapagbantay mismong ang mga residente sa galaw ng mga karagatang malapit sa kanilang lugar.
Isinusulong din ngayon ng Phivolcs ang epektibong tsunami warning system na tinatampukan ng “Tsunami Risk and Monitoring in the Philippines” kung saan binubuo ito ng mga sumusunod: dense, real time network ng mga seismic station, real time sea level monitoring network, mabilisan o agarang komunikasyon, tama at maasahang mapa ng panganib at paglilikas at mga mamamayang may sapat na kahandaan at kaalaman.
Ayon pa sa Phivolcs, kung mayroon ng sistemang ito ang bawat komunidad, mas madaling maiiiwas sa mga panganib ang mamamayan, maging ito man ay panganib na dala ng kalikasan o gawa ng tao. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment