Wednesday, March 28, 2012

Kampanya ng DENR laban sa ilegal na pagtotroso matagumpay

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 28 (PIA) – Simula nang mabuo ang Regional Anti-Illegal Logging Task Force (RAILTF), naging matagumpay na ang kampanya ng DENR laban sa ilegal na pagtotroso.

Ito ang napag-alaman base sa impormasyong inihayag ng Forest Resources Conservation Division (FRCD) ng Forest Management Service (FMS) kung saan noong nakaraang tao ay nakapagtala ito ng 192 operasyon laban sa ilegal na pagtotroso na naging daan upang makumpiska ang aabot sa 476.2253 metro kubiko o 201,812.853 board feet ng produktong mula sa kabundukan. Nagkakahalaga ang lahat ng nakumpiskang kahoy ng P2,531,657.80.

Ayon sa mga tauhan ng FRCD, mula ng maitatag ang RAILTF noong ika-17 ng Mayo, 2011 ay higit pang umigting ang kanilang kampanya laban sa ilegal na pagtotroso kung saan naging katulong na ng DENR ang mga kapulisan, Sandatahang Lakas ng Pilipinas, National Bureau of Investigation, Department of Justice at iba pa..

Sa kasalukuyan ay may siyam na kaso na ang naisampa ng DENR sa korte laban sa mga suspetsadong gumagawa ng ilegal na pagtotroso. (RMendones, DENR/BAR, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment