Tuesday, March 27, 2012

Provincial-LGU nanawagan ng suporta sa mga Sorsoganon kaugnay ng Earth Hour 2012


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 27 (PIA) – Matapos ang halos ay apat na taon nang pagsasagawa ng aktibidad kaugnay ng Earth Hour, muli na namang makikiisa ang Plipinas sa paglulunsad ng Earth Hour 2012 kasama ng mga bayan at lungsod sa buong mundo sa isang oras boluntaryong pagpatay ng ilaw sa darating na ika-31 ng Marso, ngayong taon, alas otso y medya hanggang alas nueve y medya ng gabi.

Tema ngayong taon ang “I will, if you will” kung saan ipinahihiwatig nito na hindi makakamit ng iisang indibidwal lamang ang adhikain bagkus ay hinihikayat nito ang publiko na magkaroon ng tulungang pagsisikap upang makamit ang layuning mabawasan ang epekto ng global warming.

Kaugnay nito, nananawagan sa mga Sorsoganon ang pamahalaang lalawigan ng Sorsogon sa pamamagitan ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) sa pakikipag-ugnayan sa World Wildlife Fund (WWF) at Provincial Tourism Office (PTO) na makilahok sa gagawing aktibidad bilang suporta sa Earth Hour 2012 at sa pagbabawas ng gamit sa enerhiya lalo na ang elektrisidad.

Ayon kay PENR Officer Engr. Maribeth Fruto, alas sais y medya ng gabi ay magkakaroon ng Film Showing na tatampok sa panganagalaga sa kapaligiran at mahahalagang impormasyon ukol sa Climate Change Adaptation at Disaster Risk Reduction Management.

Susundan ito ng maikling programa na kapalolooban ng Covenant Signing ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan, non-government organization, mga kabataan at iba pang sektor ng lipunan.

Bago ang tuluyang pagpatay ng ilaw alas-otso y medya ng gabi ay magkakaroon ng countdown at magpapalipad ng malaking globo at pagpapaputok ng mga kwitis.

Pinakatampok sa obserbasyon ng Earth Hour ang Torch Parade sa kahabaan ng lansangan ng lungsod gamit ang kandila at flashlight na may Light Emitting Diode (LED) sa pangunguna naman ng Philippine National Police Marshal at mga siklistang kasapi ng Alpha Phi Omega (APO). Sa paggamit ng bisikletang may mga ilaw, nais ng APO na maiparating sa publiko ang mensahe ng pagtitipid sa gasolina at pagtitipid sa paggamit ng elektrisidad.

Kasabay naman sa torch parade ay ang pag-awit ng kantang “Heal the World” upang higit pang mapukaw ang pansin at damdamin ng publiko ukol sa pangangalaga sa mundo.

Mamamahagi din ang WWF at Department of Energy (DOE) ng poster at flyers ukol sa tamang pagtititpid sa enerhiya.

Layunin ng aktibidad na ito na maiparating sa bawat mamamayan ang mas makapangyarihang mensahe na dapat nang umaksyon ang bawat isa upang mabawasan ang epekto ng pag-iinit ng mundo. Kasabay din nito ang pagbibigay inspirasyon sa publiko upang maisapuso ang pagmamahal sa mundo at ipagpatuloy ang pagtitipid sa paggamit ng enerhiya kahit pa tapos na ang aktibidad ng Earth Hour sa Marso 31.

At upang lubusang maipaabot sa publiko ang mga mahahalagang mensahe ng obserbasyon ng Earth Hour, binigyan din ng mahalagang papel na gagampanan ang mga nasa sektor ng lokal na tri-media sa pangunguna ng Philippine Information Ageny Sorsogon Information Center, kung saan sa pamamagitan ng press briefing alas nuebe ng umaga bukas ay ibabahagi din sa mga ito ang mahahalagang impormasyong maaari nilang maisulat o matalakay sa kanilang mga programa sa radyo.

Mamamahagi din ang PIA Sorsogon ng mga babasahing makakatulong sa mga media sa pagsulat ng artikulo at pagtalakay sa himpapawid ng paksang may kaugnayan sa Earth Hour. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment