Friday, April 20, 2012

ARCP2 Multi-purpose building sa Casiguran bukas para sa iba’t-ibang mga serbisyong pangkaligtasan at pangkaunlaran


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 20 (PIA) – Matapos na pasinayaan noong nakaraang buwan ang bagong tayong Agrarian Reform Communities’ Project 2 (ARCP2) multi-purpose building sa Brgy. Trece Martires, Casiguran, Sorsogon, opisyal nang binuksan ito ng Casiguran ARC Cluster A para sa iba’t-ibang mga serbisyo.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Officer Roseller Olayres ang 108 metro-kwadradong multi-purpose building ay proyekto ng ARCP2 na pinondohan ng Department of Agrarian Reform-Asian Development Bank (DAR-ADB) at ng pamahalaang bayan ng Casiguran kung saan sinimulang ipatayo ito noong Setyembre 23, 2011 at opisyal na pinasinayaan noong Marso 8, 2012.

Sa pagkakatayo ng bagong multi-purpose building ay inaasahang maseserbisyuhan nito ang pangangailangan sa lugar kung saan maaaring makapagsagawa ang Agrarian Reform Communities ng kanilang mga aktibidad.

Ayon naman kay Casiguran Mayor Ma. Ester Hamor, magsisilbi rin itong health center, day care center, women’s center, at conference room ng mga people’s organization sa Casiguran at maaari din itong gamitin bilang evacuation center sa panahong may kalamidad.

Ang bayan ng Casiguran ay isang fourth class municipality ng Sorsogon kung saan tatlong mga barangay na kinabibilangan ng Burgos, Sta. Cruz at Trece Martires ang bumubuo ng Casiguran ARC Cluster A.

Taon-taon ay nagsasagawa dito ng pagtatasa ang ARC na mas kilala bilang ARC Level of Development Assessment (ALDA) ukol sa antas ng pag-unlad ng komunidad. Noong nakaraang taon ay nakuha nito ang pinakamataas na ARC rating dahilan upang maging kwalipikado ang Casiguran sa ARCP2.

Kabilang sa mga layunin ng Casiguran ARC Cluster A na dapat makamit mula 2010 hanggang 2014 ay ang pagsasakumpleto ng Land Acquisition and Distribution (LAD) at leasehold activities, pagpapataas pa ng produksyon ng agrikultura at kita sa pagsasaka, pagpapalakas ng farmer’s cooperative, pagsusulong ng paggamit ng mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka at pagpapaganda ng mga serbisyong pang-imprastruktura at mga pangunahing suporta sa pagsasaka. (AJA, DAR/BARecebido, PIA Sorogon)

No comments:

Post a Comment