Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, April 20 (PIA) – Positibo ang mga Sorsoganon na mas marami pang mga technical-vocational development opportunities ang darating sa lalawigan ng Sorsogon matapos tiyakin ni Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) General Secretary Joel Villanueva na maraming programa pa ang ibaba nila sa Sorsogon.
Sa kanyang mensahe kahapon kaugnay ng kanyang pagbisita sa lalawigan sa okasyon ng pasinaya ng bagong TESDA Provincial Office, nangako ang kalihim na dodoblehin pa nito ang bilang ng mga scholarship grant sa Sorsogon.
Ipinagmalaki din niya ang pagkakaroon ng sariling gusali at bagong provincial office ng TESDA Sorsogon sa City Hall Complex sa Brgy. Cabid-an, Sorsogon City at inihayag na rin ang pagkakaroon ng ikalawang palapag ng nasabing gusali kung kaya’t abot-abot ang naging pasasalamat ni TESDA provincial director Rodolfo Benemerito at ng mga Sorsoganong makikinabang pa dito.
Pinasalamatan din ng kalihim ang lungsod ng Sorsogon dahilan sa suporta nito sa mga programa ng TESDA at marapat lamang umanong matanggap nito ang parangal bilang Kabalikat Awardee ng TESDA.
Sinamantala na rin niya ang oportunidad na naroroon sa pasinaya si Sorsogon 2nd District Congressman Deogracias Ramos, Jr. at Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe upang umapela na mataasan pa ang pondo para sa operasyon at programa ng TESDA.
Kinakitaan naman ng pagmamalaki at inspirasyon ang mga TESDA Specialistas mula sa iba’t-ibang munisipalidad ng Sorsogon maging ang mga stakeholders na naroon dahilan sa kitang-kita dito ang kakaibang sigla at pagmamalaki sa mga manggagawa at kabataang tumatangkilik sa mga kursong tech-voc.
Si Sec. Villanueva ay National Certificate III holder ng Food and Beverage Services at isa din sa mga Specialistas na sinanay ng TESDA. Ipinagmamalaki din niya ang mga certified workers ng TESDA dahilan sa tuwirang pagpapahalaga ng mga ito sa kanilang angking galing at kasanayan.
Pinawi din ni Sec. Villanueva sa isipan ng publiko ang agam-agam na hindi kaagad nakakahanap ng trabaho yaong tapos ng kursong vocational bagkus ay sinabi niyang 60 porsyento sa mga nakakatapos ng ganitong kurso ang agarang nakakakuha ng trabaho habang yaong kabilang sa 40 porsyentong naghihintay pang makapasok sa trabaho ay binibigyan pa nila ng iba pang mga scholarship opportunity upang higit pang mabigyan ng matibay na daan tungo sa ikakatagumpay nito bilang mga manggagawa.
Ayon pa sa kalihim, ang patuloy na paglago at pagtangkilik sa technical-vocational education mula sa hanay ng mga negosyo, edukador at mambabatas ay patunay na pagkilala sa imahe ng kasanyan bilang matibay na tugon sa krisis sa lipunan at ekonomiya ng bansa. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment