Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, April 25 (PIA) – Sa
patuloy na pagpupunyagi ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon na mabigyang
solusyon ang mga isyung kinasasangkutan ng ilegal na aktibidad sa karagatan
partikular sa bayan ng Donsol kung saan libong mga turista ang dumadayo doon,
ay higit pang pinaiigting nito ang kampanya sa pamamagitan ng pagdagdag ng
kagamitan para sa mga Bantay Dagat.
Sa naging pahayag ni Provincial Tourism
Officer Cris Racelis, inihayag nitong naka-iskedyul sa darating na Sabado,
Abril 28, and turn-over ng dalawang bagong Bangka para sa Bantay Dagat ng
Donsol, Sorsogon.
Ang nasabing mga Bangka ay mula sa provincial
government na pinondohan ng P500,000 upang magamit ng mga Bantay Dagat sa
operasyon nito bilang bantay at tagapangalaga ng karagatang sakop ng
munisipalidad ng Donsol.
Dagdag pa ni Racelis na sa araw ng
turn-over ay magkakaroon ng seremonya sa gitna ng dagat na tinaguriang “Alay”
kung saan doon na rin mismo babasbasan ang dalawang bangka bago ang aktwal na
turn-over.
Habang ginagawa ang seremonya ng “alay” at
pagbabasbas ay papalibutan naman ng mga mangingisda ang lugar kung saan idaraos
ito bilang pagpapakita ng suporta sa adbokasiyang isinusulong ng Bantay Dagat
at ng pamahalaang bayan ng Donsol.
Ayon kay Racelis, sa pagkakaroon ng
karagdagang kagamitang ito ay mas magiging mabilis ang pagresponde sa panahong
may nagaganap na ilegal na aktibidad sa karagatan at maiiwasan na rin ang
anumang mga perwisyong maaaring pag-ugatan ng pagkasira ng natural na yaman at
turismo ng Donsol. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment