Tuesday, April 24, 2012

GAD profiling inaasahang magpapaangat sa katayuan ng mga kababaihan sa Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 24 (PIA) – Isa sa pinagsisikapan ngayon ng Sorsogon Provincial Gender Advocacy and Developent Council (PGADC) ay ang pagsasagawa ng Gender Advocacy and Development Profiling partikular ng mga kababaihan sa lalawigan.

Ayon kay Dr. Liduvina F. Dorion, Asst. Provincial Health Officer at kinatawan ng Provincial Health Office sa PGADC, layunin ng GAD Profiling na makuha ang eksaktong itatistika at malaman ang kalagayan ng mga kababaihan sa Sorsogon.

Aniya sa pamamagitan nito, makapagsasagawa ng data banking ng bilang at propesyon ng mga kababaihan at maging ng mga kalalakihan na rin at mapag-aaralan ang mga suliraning kinakaharap nila nang sa gayon ay mkabuo ng mga hakbang upang matugunan ang mga suliraning ito.

Napagkasunduan naman ng mga kasapi ng PGADC na gamitin ang resulta ng ginawang National Household Targeting System for Poverty Reduction Survey ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang mga kakulangan datos ang siya na lamang pupunuan ng PGADC.

Kabilang sa mga prayoridad sa GAD Profiling ay ang academic status ng mga kababaihan uopang malaman kung ilan ang mga nakapagtapos ng pag-aaral at nagtatrabaho ayon sa kurso o linyang natapos nito, bilang ng mga school drop-out at kadahilanan nito at kung anon a ang estado ng mga kababaihang ito sa ngayon.

Kasama din sa aalamin ay ang pinagkakaabalahan ng mga ito, ilang mga babae ang dumanas ng teen-age pregnancy o di kaya’y sa murang eded ay pinagtatrabaho na, ilan ang mga nasa iba-ibang sektor ng lipunan, at iba pang mga isyung nakaapekto sa pag-unlad ng mga kababaihang Sorsoganon.

Ayon naman kay Asst. Provincial Agriculturist Tess Destura, nakapagsagawa na ang kanilang tanggapan ng profiling ng mga Sorsoganong nasa rural agriculture at makikita rin umano dito ang mga salik na nagdala sa kanila sa kondisyong kinasasangkutan nila.

Sinabi naman ni Board Member at PGADC Asst. Chair Rebecca Aquino na balak nilang tapusin ang gagawing profiling bago matapos ang taon at sakaling matapos na ito ay sisimulan na ang pagpaplano ng mga kakukulang hakbang nang sa gayon ay matugunan ang mga suliraning nakakaapekto sa pag-unlad ng mga kabaihan at mapataas ang katayuan ng pamumuhay ng mga ito. (BARecebido, PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment