Monday, May 28, 2012

26 bilanggo ng SPJ pumasa sa ALS, dalawa nakabilang sa nationwide topnotcher


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 28 (PIA) – Pinatunayan ng mga bilanggo sa Sorsogon Provincial Jail (SPJ) na hindi hadlang ang pagkakaliko nila ng landas upang makamit ang inaasam pa rin nilang edukasyon.

Ito ay matapos na pumasa ang dalawampu’t anim na mga bilanggo sa Acceleration and Equivalency Test na ibinigay ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd) at makasama sa graduation rites noong nakaraang linggo.

Ayon kay Retired PCSupt Rufino D. Escote, Assistant Provincial Jail Warden at Officer In-Charge ng SPJ, dalawang klase para sa mga bilanggo ang binuksan nila sa pakikipag-ugnayan sa DepEd sa pamamagitan ng ALS para sa school year 2011-2012. Isa na dito ang elementary kung saan anim na mga bilanggo ang nag-enrol habang ang isa pang binuksan ay para sa sekundarya kung saan dalawampung mga bilanggo naman ang nag-enrol.

Matapos kumpletuhin ang pag-aaral, sumailalim ang mga ito sa serye ng pagrepaso at pre-qualifying examinations at kalaunan ay sa Acceleration and Equivalency Test.

Ayon kay Escote, sa bahagi ng elementarya, isang-daang porsyentong pumasa ang anim na mga bilanggo at dalawa sa mga ito ang napabilang sa mga topnotcher. Nakuha ni Jayson Ehercito ang number one place province-wide at number five nation-wide habang si Noel Oses naman ang pumangalawa province-wide at number six nationwide.

Sa bahagi ng secondary level pitumpong porsyento o labing-apat sa dalawampung nag-eksamin ang pumasa at dalawa sa mga ito ang nakabilang sa mga topnotcher. Nakuha ni Jerrymar Gubat ang number one place province-wide at number three nationwide, habang number two province-wide at number four nationwide si Sandy Manzanlla.

Samantala, inihayag din ni Escote na ngayong Hunyo ay susunod naman nilang bubuksan sa SPJ ang “Basic Learning of Grade 0” kung saan mga bilanggong “no read, no write” naman ang siyang mag-aaral.

Ayon kay Escote, bahagi din ng paghahanda ang ginagawa nilang edukasyon sa mga bilanggo nang sa gayon ay may madadala silang mga armas sa kanilang paglaya sa hinaharap. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment