Tuesday, May 29, 2012

Mga Butanding apektado ng pag-init ng temperatura ng dagat


Photo from Google
Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 29 (PIA) – Inamin ng Department of Tourism (DoT) Bicol na bumaba nga ang bilang ng mga lumalabas na Butanding sa nakalipas na dalawang buwan sa karagatan ng Donsol, at nitong mga huling araw ay halos wala na ring makitang Butanding ang mga dumadayong turista sa lugar.

Sa naging paliwanag ni Raul Burce, project Coordinator ng World Wildlife Fund (WWF) na siyang tumutulong sa pamahalaang bayan ng Donsol sa pangangalaga sa mga Butanding doon, ang insidenteng ito ay epekto ng sobrang pag-init ng temperatura ng tubig-dagat, pagkonti ng bilang ng mga plankton o pagkain ng mga Butanding at karamihan umano sa mga higanteng isda ay lumipat sa Manta Bowl sa may boundary ng Ticao Island at Donsol kung saan higit na malalim ang dagat doon.

Aniya, base sa tala ng WWF noong Enero ngayong taon, mayroong labingtatlong mga bagong Butanding ang makikita sa Donsol at makikilala ito sa pamamagitan ng hitsura ng kanilang buntot. Apatnapu’t walo naman sa mga Butanding na makikita sa karagatan ng Donsol ay mga naninirahan na sa lugar habang ang apatnapu’t-siyam ay kinukunsiderang mga balik-bayan sa katubigan ng Donsol.

Ayon sa WWF walang pinipiling panahon ang paglabas ng mga Butanding sapagkat nakadepende ito sa pagkaing makikita, kalidad at temperatura ng tubig at iba pang mga salik sa kapaligiran tulad ng lagay ng panahon.

Ayon naman kay DoT Bicol Regional Director Maria O. Ravanilla, base sa pag-iimbestiga ng mga propesyunal na maninisid katuwang ang mga Butanding interaction Officer (BIO) at maninisid ng WWF sa Monterey, Masbate, nakita ang nakahilerang mga Butanding sa kailaliman ng dagat doon kung saan mas malamig ang temperatura ng tubig.

Sinabi ni Ravanilla na hindi maaaring dalhin sa nasabing lugar ang mga turista sapagkat tanging mga propesyunal na maninisid lamang ang dapat na lumangoy sa nasabing lugar.

Kung kaya’t panawagan ng opisyal sa mga turista na maghintay na lamang ng kaunting panahon na muling bumalik sa dati ang temperatura ng dagat nang sa gayon ay muli nilang makita ang nakakaaliw na mga higanteng Butanding. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment