Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, May 18 (PIA) – Sa
patuloy na pagpupunyagi ng mga kasundaluhan na maibahagi ang kanilang serbisyo
sa mga residente sa barangay, muling magsasagawa ang 903rd Infantry
Brigade ng Philippine Army sa pangunguna ni Brigade Commander Col. Felix J.
castro, Jr., ng mga aktibidad na tinagurian nilang “MedCAP” o Medical Civic
Action Program.
Ayon kay 903rd Infantry Brigade
Civil Military Officer Capt. Arnel Sabas, ang MedCAP ay gagawin sa Brgy. Sto.
Domingo sa Bacon District, Sorsogon City kung saan ipinanganak ang kasalukuyang
Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines Gen. Jessie Dellosa na siya
ring magiging pangunahing panauhin nila sa kanilang aktibidad bukas, Mayo 19,
2012.
Ayon pa kay Capt. Sabas, malaking
karangalan din sa kanilang grupo na dadaluhan ang nasabing aktibidad ng pinakamataas
na opisyal ng Hukbong Sandatahan ng bansa.
Ang MedCAP ay kapapalooban ng mga
serbisyong kinabibilangan ng ‘Operation Tuli’ kung saan 50 mga kabataan ang
manginginabang dito at Dental at Medical mission kung saan isangdaang
benepisyaryo naman ang target na manginginabang. Bukas din sa mga residente ang
iba pang mga serbisyong ipagkakaloob naman ng mga ekspertong sundalo tulad ng
libreng gupit, masahe at iba pa.
Naisakatuparan ang nasabing MedCAP sa
pakikipagtulungan sa mga opisyal ng barangay ng Sto. Domingo sa pamumuno ni Punong
Barangay Arnel D. Despabiladeras, mga City Health official at ng lokal na
pamahalaang panlungsod ng Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment