Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, May 17 (PIA) – Naglibot
kahapon ang ilang tauhan ng Department of Energy (DoE) sa mga gasolinahan dito
sa syudad ng Sorsogon.
Layunin ng paglilibot ng mga ito na matiyak
kung tama ang sukat at timbang ng mga ikinakarga nilang petrolyo at
ipinagbibili sa publiko at malaman kung sumusunod nga ang mga local oil players
dito sa pagpapatupad ng tamang presyo ng petrolyo na ibinababa mula sa Metro
Manila.
Ayon sa ilang may-ari ng gasolinahan,
dumaan sa masusing calibration ang kanilang mga gas machine.
Bumisita rin sa tanggapan ni Sorsogon
Vice-Governor Antonio Escudero ang mga kinatawan ng DOE upang alamin ang
sistema ng mga gasolinahan at tunay na presyo ng petrolyo sa probinsya.
Samantala, hiniling naman ng Department of
Trade and Industry (DTI) Sorsogon kasama ang ilang miyembro ng Multi-Sectoral
Group sa DoE na mabigyan sila ng kapangyarihan na disiplinahin ang mga
negosyante partikular ang mga nagmamay-ari ng malalaking gasolinahan dito sa
Sorsogon lalo na sa larangan ng presyuhan ng mga produktong petrolyo.
Matatandaang ilang mga kunsumidor na dito
ang naghahayag ng pagkadismaya sa pagbibingi-bingihan ng mga may-ari ng
gasolinahan sa tuwing nagkakaroon ng roll-back sa presyo ng petrolyo. Anila, inaabot
pa ng 24 oras at mahigit bago nito maipatupad ang roll back subalit sa tuwing
iaanusyo ang pagtaas ay mabilis pa ito sa kidlat.
Kung kaya’t hiling naman ng mga motorista
na sana ay huwag isasabay sa oil price increase ang mga petrolyong dating
nakaimbak na sa kanilang storage.
Sa orihinal na panuntunan, nakaatang sa DoE
ang pag-iinspeksyon sa mga gasolinahan, subalit dahilan sa walang tanggapan ang
DoE dito nais ng nasabing multi-sectoral group na mabigayn sila ng
kapangyarihang masubaybayan ang pagkilos ng halaga ng petrolyo sa Sorsogon.
Sinabi pa ng DTI Sorsogon na hinihintay na
lamang nila ang kasagutan ng DOE na magbibigay sa kanila ng ‘go signal’ upang
masubaybayan ang mga gasolinahan sa tuwing may pagtaas at pagbaba sa mga
produktong petrolyo nang sa gayon ay maprotektahan ang mga kunsumidor. (FBTumalad/BARecebido,
PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment