Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, May 25 (PIA) – Sa
isinagawang “Briefing on Fair Trade Laws for Media Practitioners” ng Department
of Trade and Industry (DTI) noong Huwebes, hiningi ni DTI Bicol Trade
Regulation and Consumer Welfare Division Chief Helen A. Manila ang tulong ng
mga kasapi ng mga mamamahayag sa Sorsogon na himukin ang publiko lalo na ang
mga kunsumidor na maging mapanuri at mapagbantay sa kanilang mga binibiling
produkto at serbisyo.
Aniya, isa sa adbokasiya ng DTI ay ang
mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamimili kung kayat dapat umanong
maprotektahan ang mga ito laban sa mga abusadong mga negosyante.
Kabilang sa tinalakay ni Manila ang
Business Regulation kung saan ipinaliwanag niya ang ilang mga direktiba sa
pagsasalegal ng operasyon ng isang negosyo; Consumer Education and Advocacy na
kinabibilangan ng pagpapalawak ng kaalaman ng publiko ukol sa kanilang mga
karapatan bilang konsumidor; Constituency Building kabilang na ang akreditasyon
ng mga consumer organization; Paghawak sa mga reklamo ng mga mamimili; at ang
pagsubaybay sa mga establisimyento at pagpapatupad ng batas sa mga lumalabag dito.
Tinalakay din sa
nasabing briefing ang ilang mga karanasang kinaharap ng mga lokal na
mamamahayag sa kanilang pamimili at ilang mga paglilinaw sa karapatan ng mga
mamimili at maging ang mga paglabag o pang-aabusong maaaring gawin ng mga
negosyante.
Ayon sa mga
kinatawan ng DTI, mahalagang sa pagbili ng produkto o serbisyo ay humingi ng
resibo upang sakaling magkaroon sila ng problema sa mga nabili nila ay maari
nila itong palitan, ipaayos o i-refund kung kinakailangan, subalit dapat na
masiguro nilang armado sila ng sapat na katibayan na magpapatunay ng kanilang
mga inirereklamo.
Maging sa
paglapit at paghingi nila ng tulong sa DTI ay una rin umanong hahanapin ang
resibo at ang pinamili upang kung magsasampa man sila ng reklamo ay mayroon
silang ipiprisintang katibayang magdidiin sa mga negosyante.
Nilinaw din ng
DTI na kung magrereklamo ay dapat na bumalik muna sa binilhang tindahan o
establisimyento upang doon magreklamo at pupunta lamang sa mga ahensyang
sangkot kung hindi sila nagkasundo at ang may-ari ng establisimyento.
Dagdag pa ng DTI
na dapat magreklamo ang isang kunsumidor sa tamang ahensya tulad ng mga
sumusunod: kung tungkol ito sa gamot o beauty products, dapat na dumulog sa
Department of Health o sa Food and Drugs Administration, kung forest products
ay sa Department of Environment and Natural Resources, kung produktong
agrikultura o pangisdaan ay sa Department of Agriculture at sa Department of
Trade and industry kung patungkol naman sa mga pangunahing pangangailangan.
Umaasa ang DTI na
sa tulong ng mga lokal na mamamahayag ay maipapaabot sa publiko ang kanilang
mga karapatan at tamang edukasyon bilang mga mamimiliat maging ang mga
obligasyon at karapatan din ng mga negosyante nang sa gayon ay naiiwasan ang
anumang mga hindi pagkakaunawaan sa panig ng kunsumidor at negosyante.
(BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment