Wednesday, May 30, 2012

Pulis at Army sumailalim sa Criminal Investigation Course


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 30 (PIA) – Limampung imbestigador mula sa iba’t-ibang mga istasyon ng pulis na sakop ng Sorsogon Police Provincial Office (SPPO) at anim na mga kasapi ng Philippine Army ang sumailalim sa Criminal Investigation Course (CIC) Class165-2012.

Ayon kay PCI Ruben D. Padua, Jr., hepe ng Police Community Relations at Public Relations Officer ng SPPO, ang pagsasailalim sa mga imbestigador ay konseptong mula sa Police Provincial Headquarters sa pangunguna ni Provincial Director PSSupt John CA Jambora kung saan naging panauhing pandangal at tagapagsalita si Provincial Prosecutor Regina Coeli F. Gabito.

Ang Criminal Investigation Course ay sinimulan noong Abril 24, 2012 at opisyal na nagtapos ito noong Lunes, Mayo 28, 2012.

Ang 25 araw na CIC ay may layuning mapalago pa ang kaalaman at kakayahan ng mga imbestigador sa lalawigan lalo na yaong humahawak ng mga kaso at nakatalaga sa Women and Children Protection Desk (WCPD).

Pinasalamatan naman ni Provincial Director Jambora si Gobernador Raul R. Lee ng Sorsoogn dahilan sa buong suportang ibinigay nito sa SORPPO upang matagumpay na maisakatuparan ang aktibidad dito sa lalawigan ng Sorsogon.

“Walk for Health”

Samantala, pinuri din ni Jambora ang mga kapulisang nakiisa sa ginawang Walk For Health na inorganisa ng Sorsogon Ladies of Charity Home For the Aged sa San Juan Roro Sorsogon City noong linggo, May 27.

Ang aktibidad ay isang paraan ng pagsusulong ng Healthy Lifestyle at paglikom din ng pondo upang matulungang masustinihan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan ng mga matatandang inaalagaan at ng mga tagapangalaga sa mga ito sa loob ng nasabing institusyon.

Kasama rin sa nakilahok sa Walk for Health ay ang mga kapulisan ng Sorsogon City Police Station, Sorsogon Provincial Public Safety Company at iba’t-ibang Non-Government Organization, pampublikong opisina, mga kasapi ng Bureau of Fire Protection BFP at Kabalikat civicom ng Sorsogon. (SPPO/BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment