Saturday, June 16, 2012

95 na bahay sa GK Village Guinlajon tuluyan nang naipamahagi


LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 15 (PIA) – Tuluyan nang naipamahagi noong Miyerkules, Hunyo 13, 2012 ang dalawampu’t limang (25) bilang ng mga housing unit na bumuo sa siyamnapu’t limang (95) mga kabahayan ng Gawad Kalinga sa Barangay Guinlajon, West District, Sorsogon City.

Sa pangunguna ni Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda, opisyal nang naipamahagi ang huling bilang ng libreng pabahay sa mga residente ng lungsod na walang sapat na kakayahan upang makapagtayo ng sarili nilang mga bahay.

Bago ginawa ang opisyal na pamamahagi ay nagkaroon muna ng banal na misa, pagbasbas ng mga kabahayan at maikling programa.

Sa mensaheng ibinigay ni Mayor Dioneda, mariin nitong pinaalalahanan ang mga residente na pangalagaan ang ibinigay na tulong sa kanila at mantinihin ang pagmamahalan ng bawat isa, panatilihin ang kaayusan at kapayapaan, at palaguin ang anumang nasimulan ngayon sa tinatawag nilang munting komunidad ng Gawad Kalinga.

Dumalo at saksi din sa turn-over ceremony sina Association of brgy Captain (ABC) President at Brgy.Guinlajon Chairman Jaime Lagco, Ticol Brgy Chairman Rolando Jaso, City Councilor Charo Dichoso, Senen Malaya ng Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon at iba pa.

Nagbigay din ng testimonya ang mga benepisyaryo ng GK Housing project kung saan isinalaysay ng mga ito ang kalagayan nila noon at ikinumpara sa tuwa at kapayapaan ng loob na nararamdaman nila ngayong napabilang sila sa benipisyaryo ng Gawad kaling at may matatawag nang sarili nilang tahanan.

Matatandaang una nang itinayo ang GK Housing Project sa Guinlajon bago natapos ang termino ni dating Sorsogon City Mayor Sally A. Lee noong 2004 at ang lupang pinagtayuan ng mga kabahayan ay donasyon ni Mrs. Milagros Duana, ang isa sa mga tinaguriang business tycoon ng Sorsogon. (BARecebido/FBTumalad, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment