Monday, June 18, 2012

Provincial MSAC inorganisa ng Civil Service Commission Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 18 (PIA) – Upang higit pang maging epektibo ang serbisyong ibinibigay ng Civil Service Commission (CSC) sa Sorsogon, binuo ng CSC noong Huwebes ang isang Multi-Sectoral Advisory Council (MSAC) na siyang aaktong tagapayo at magbibigay ng mga rekomendasyong makakatulong sa pagpapahusay pa ng operasyon at pagbibigay ng makabuluhang serbisyo ng CSC sa lalawigan.

Ayon kay CSC regional director Cecilia R. Nieto, naniniwala ang kanilang ahensya sa kahalagahan ng pakikipag-alyansa kung kaya’t binuo nila ang MSAC hindi lamang sa Sorsogon kundi maging sa iba pang mga lalawigan sa rehiyon upang maging katuwang nila sa pagkamit ng mataas na performance level na siyang target ng CSC, lalo pa’t pangarap ng Civil Service Commission na maging “Asia’s leading Center for Excellence in Strategic Human Resource and Organizational Development” pagsapit ng taong 2030.

Aniya, pangunahing dahilan ng pagbuo ng MSAC ay upang masustinihan ang sistema ng mahusay na pamamahala at mamantini ang pag-abot sa mga criteriang nakapaloob sa Performance Governance System-Balanced Score Card (PGS-BSC) kung saan nasa ikatlong yugto na ngayon ang CSC.

Kaugnay nito, inatasan din ni Nieto si CSC Sorsogon provincial director Arpon Lucero na bigyan ng regular na dokumentasyon ng mga nagawa o accomplishment ng CSC Sorsogon ang mga kasapi ng MSAC upang magsilbing basehan nito sa pagbibigay ng mga payo, rekomendasyon o suhestyon na makakatulong upang mapahusay pa at maging epektibo ang serbisyong ibinibigay ng CSC Sorsogon lalo na sa larangan ng human resource management at pagsusulong ng byurukrasya sa Pilipinas.

Nahalal bilang chairman ng MSAC si DILG provincial director Ruben Baldeo, Vice-Chair si Provincial prosecutor Regina Coeli Gabito habang ang iba pang mga kasapi ay may kanya-kanya namang mga komitibang pamumunuan.

Kabilang sa mga kasapi ng MSAC ay ang Department of Interior and Local Government, Provincial Prosecutor’s Office, Philippine Information Agency, League of Municipal Mayor’s of the Philippines, Sorsogon State College, Sorsogon Provincial Council of Personnel Officers, Kapisanan ng mga Broadcaster sa Pilipinas, Sorsogon City Water District, Social Action Center para sa civil society group at Federation of Association for Communities and Children Empowerment, Inc. (FACCE) bilang kinatawan naman ng Non-Government Organization. (BARecebido, PIA Sorsogon)



1 comment:

  1. Good day;

    I just want to ask if there is a civil service eligibility exam that will be held here in sorsogon?

    I need the information, may you please send me the info in this number:09261597588.

    Best Regards and Thank you.

    ReplyDelete