Tuesday, June 19, 2012

Mga bilanggong nakalabas na ng SPJ umaabot sa 174


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 19 (PIA) – Umaabot sa 174 na mga bilanggo ang nakalabas na sa Sorsogon Provincial Jail (SPJ) simula Enero 2011 hanggang noong Abril ngayong taon ayon sa ipinalabas na tala ng SPJ sa pamumuno ni Officer In Charge Jail Warden Ret. Gen. Rufino Escote.

Sa nasabing tala, nakasaad dito na sampu sa kabuuang bilang na 174 ang pinagdusahan na ang kanilang sentensya, dalawampu’t dalawa ang nailipat na sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa, isa ang nabigyan ng parole, tatlo ang nasa probation, labintatlo ang nasa recognizance na ang ibig sabihin ay inalis na ang bilanggo sa ilalim ng kustodya ng jail warden, walo ang napawalang-sala, labing-apat ang ‘dismissed with prejudice’ na ibig sabihin ay permanente nang nadismiss ang kaso, apatnapu’t-apat ang ‘dismissed without prejudice’ na ang ibig ay nadismiss ang kaso dahilan sa naisampa ito sa maling korte, habang isa ang hindi na itinuloy pa ng complainant ang kaso.

Dalawa naman ang nakalabas na matapos aprubahan ang kanilang aplikasyon ng Article 29 ng Revised Penal Code, tatlo ang inilipat sa Bureau of Jail Management and Penology District Jail, limampu’t-isa ang nakapagpiyansa at dalawa ang nakalaya base sa ibinigay na kautusan ng korte.

Sa isangdaan pitumpu’t-isang mga nakalaya na bilanggo, isangdaan labing-isa sa mga ito ay kunsiderado nang malinis at wala nang kaso sa batas.

Ang mga bilanggong kasama sa iprinisintang bilang ay nakagawa ng mga paglabag sa batas simula taong 1992 hanggang sa kasalukuyang taon.

Sa ngayon, may 417 pang mga nakaditineng bilanggo sa loob ng Sorsogon Provincial Jail.

Ayon kay Jail Warden Rufino Escote, pinagsisikapan nilang mas mapabilis ang paglilitis ng mga bilanggo sa SPJ nang sa gayon ay maiwasan ang pagkakaditine ng matagal ng mga ito sa loob ng bilangguan at maiwasan din ang siksikan sa loob ng mga selda.

Patuloy din ang ginagawang pagpapaunlad ng kakayahan, edukasyon at talento ng mga bilanggo kahit nasa loob ito ng selda nang sa gayon ay may magamit na puhunan ang mga ito para sa kanilang pagbabagong-buhay sakaling makalabas na sila ng bilangguan. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment