Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 19 (PIA) – Umaabot
sa 174 na mga bilanggo ang nakalabas na sa Sorsogon Provincial Jail (SPJ) simula
Enero 2011 hanggang noong Abril ngayong taon ayon sa ipinalabas na tala ng SPJ
sa pamumuno ni Officer In Charge Jail Warden Ret. Gen. Rufino Escote.
Sa nasabing tala, nakasaad dito na sampu sa
kabuuang bilang na 174 ang pinagdusahan na ang kanilang sentensya, dalawampu’t
dalawa ang nailipat na sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa, isa ang
nabigyan ng parole, tatlo ang nasa probation, labintatlo ang nasa recognizance
na ang ibig sabihin ay inalis na ang bilanggo sa ilalim ng kustodya ng jail
warden, walo ang napawalang-sala, labing-apat ang ‘dismissed with prejudice’ na ibig sabihin ay permanente nang
nadismiss ang kaso, apatnapu’t-apat ang ‘dismissed
without prejudice’ na ang ibig ay nadismiss ang kaso dahilan sa naisampa
ito sa maling korte, habang isa ang hindi na itinuloy pa ng complainant ang
kaso.
Dalawa naman ang nakalabas na matapos
aprubahan ang kanilang aplikasyon ng Article 29 ng Revised Penal Code, tatlo
ang inilipat sa Bureau of Jail Management and Penology District Jail,
limampu’t-isa ang nakapagpiyansa at dalawa ang nakalaya base sa ibinigay na
kautusan ng korte.
Sa isangdaan pitumpu’t-isang mga nakalaya
na bilanggo, isangdaan labing-isa sa mga ito ay kunsiderado nang malinis at
wala nang kaso sa batas.
Ang mga bilanggong kasama sa iprinisintang
bilang ay nakagawa ng mga paglabag sa batas simula taong 1992 hanggang sa
kasalukuyang taon.
Sa ngayon, may 417 pang mga nakaditineng
bilanggo sa loob ng Sorsogon Provincial Jail.
Ayon kay Jail Warden Rufino Escote,
pinagsisikapan nilang mas mapabilis ang paglilitis ng mga bilanggo sa SPJ nang
sa gayon ay maiwasan ang pagkakaditine ng matagal ng mga ito sa loob ng bilangguan
at maiwasan din ang siksikan sa loob ng mga selda.
Patuloy din ang ginagawang pagpapaunlad ng
kakayahan, edukasyon at talento ng mga bilanggo kahit nasa loob ito ng selda
nang sa gayon ay may magamit na puhunan ang mga ito para sa kanilang pagbabagong-buhay
sakaling makalabas na sila ng bilangguan. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment