Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 21 (PIA) – Sa
pagtutulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng
Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) at mga katuwang na
organisasyon nito, ilang mga aktibidad pa ang nakatakdang gawin dito kaugnay pa
rin ng pagdiriwang ng Environment Month.
Ayon kay Anabelle Barquilla, forester ng
Department of Environment and Natural Resources Sorsogon at siyang
tagapamanihala ng mga aktibidad, nakatakdang gawin ngayong araw ang taunang Provincial
Eagle Quiz na lalahukan ng mga piling mag-aaral sa elementarya sa umaga at
sekundarya naman sa hapon.
Ang mananalo dito ang siyang ilalaban sa
Regional Battle of Eagles sa darating na Hunyo na gagawin naman sa lalawigan ng
Albay.
Sa Hunyo 25 ay ipagdiriwang din ang Arbor
Day o Tree Planting Day kung saan nakatakda ring magsagawa ng massive tree
planting ang mga tauhan ng DENR, PENRO at Community ENRO kasabay din ang
iba’t-ibang mga lokal na pamahalaan dito.
Ang pagtatapos ng selebrayon ng Environment
Month ay tatampukan naman ng paggawad ng pagkilala sa mga mananalo sa
Saringgaya Awards na kinonsepto ng DENR Bicol sa loob ng halos ay 12 taon.
Samantala, matatandaang noong nakaraang
Hunyo 5, 2012 ay ipinagdiwang ang World Environment Day sa ilalim ng temang “Green
Economy: Does it include you?” na siya na ring ginawang tema para sa
selebrasyon ng Environment Month sa buong buwan ng Hunyo ngayong taon.
Sa ginawang pagdiriwang ng World
Environment Day ay nagsagawa dito ng tree planting activity at pagpapakawala ng
isang uri ng wild at endangered animal sa kagubatang sakop ng Energy
Development Corporation (EDC) sa Sorsogon.
Inilunsad din ang “Gawad Gobernador sa
Kapaligiran”, isang patimpalak para sa mga Local Government Unit sa Sorsogon na
may angking kagalingan at natatanging programa sa pagpapatupad ng malinis at
berdeng kapaligiran.
Ang pagdiriwang ng Environment Month ay
nakapaloob sa Presidential proclamation No. 237 na nilagdaan noong 1988.
Layunin nitong pataasin pa ang kaalaman ng publiko ukol sa panganagalaga at
pagbibigay-proteksyon sa mga natural na yaman ng kapaligiran. (BARecebido, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment