|
Atty. Loida Nicolas-Lewis |
Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 20 (PIA)
– Hamon para sa mga opisyal at kasapi ng Philippine Chamber of Commerce and
Industry (PCCI) ang mga binitwang salita ng isa sa mga pinakama-impluwensyang
babae at negosyante sa buong mundo.
Sa isinagawang induction ceremony ng
mga bagong opisyal at kasapi ng PCCI na ginawa kamakailan dito, sinabi ni Atty.
Loida Nicolas-Lewis na dapat na magkaisang kumilos ang PCCI upang matuldukan na
ang hindi makatarungang gawain ng Sorsogon II Electric Cooperative (Soreco 2)
tulad ng napakataas na singil sa kuryente at hindi maayos na serbisyo nito.
Ayon kay Atty. Lewis, pinupuri niya
ang naging hakbang ni Sorsogon City Mayor Sally A. Lee na pagpapababa ng singil
sa buwis, subalit siya namang pagtaas ng halos dobleng singil sa kuryente kung
kaya’t hindi pa rin maramdaman ng mga kunsumidor ang magandang bunga ng pagbaba
ng buwis.
Kung kaya’t panahon na umano upang
magkaisang kumilos ang PCCI at magdala ng pagbabago sa kooperatiba sa
pamamagitan ng masusing pag-aaral sa constitution and by-laws ng Soreco II at
paglalagay ng kinatawan bilang kasapi ng Board of Directors.
Sinabi din niyang hindi dapat na
matakot ang mga ito na magdala ng pagbabago sa kooperatiba sapagkat bilang mga
Sorsoganon at Pilipino, marapat lamang na gawin kung ano ang tama.
Hindi rin umano makakahikayat ng mga
negosyante na magtayo ng negosyo dito ang mataas na singil sa kuryente at
mahihirapan ang lungsod at ang lalawigan na paunlarin pa ang eco-tourism
development program na isinusulong ng lokal na pamahalaan.
Kung kaya’t dapat na umanong kumilos
ang PCCI sapagkat nasa mga kamay nito ang solusyon, dapat umanong magkaisa ang
mga ito na labanan ang katiwalian, pang-aabuso, korapsyon at nepotismo sa isang
organisasyon at komunidad. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)