Friday, March 16, 2012
DENR's Trail inspection.
Eksaminasyon ng Career Service Eligibility sa Mayo 27 na
Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Marso 16 (PIA) – Inihayag ni Director Arpon Lucero ng Civil Service Commission Sorsogon Field Office na nakatakda sa darating na Mayo 27, 2012 ang eksaminasyon para sa mga nais makakuha ng sub-professional at professional career service eligibility examination.
Kaugnay nito, itinakda na rin sa Abril 27, isang buwan bago ang takdang araw ng eksaminasyon, ang pagsusumite ng application form ng mga interesadong mag-eksamin.
Kabilang sa mga rekisitos na kailangan ay ang mga sumusunod: apat na kopya ng passport ID na may name tag, valid ID, filled-up application form at P500 na cash para sa examination fee.
Samantala, inamin naman ni Lucero na bumaba ang bilang ng mga nakapasa sa professional at sub-professional examination dito sa Sorsogon noong nakaraang taon. Aniya, umabot lamang sa 12.11% ang nakapasa kung saan sa kabuuang mahigit sa animnaraang kumuha ng eksaminasyon, animnapu lang ang nakapasa sa professional habang sa sub-professional naman ay lima lang ang pumasa.
Ayon kay Lucero, mahalagang maipasa ang career service eligibility exam sapagkat isa ito sa mga rekisitos upang maging regular na empleyado ng pamahalaan.
Kasabay ng eligibility ay ang kaukulang edukasyon, karanasan at skills training ng isang tao upang maging permanente ito sa trabaho sa pamahalaan. Nilinaw niyang hindi kailanman mabibigyan ng tsansang maregular sa trabaho ang mga hindi nakapasa sa career service eligibility.
Pinayuhan din niya ang mga hindi pumasa na huwag susuko o mawawalan ng pag-asa, bagkus ay pagsikapan pa ang mga susunod pa nilang pagkuha ng kaparehong eksaminasyon upang tuluyan nang maipasa ito. (BARecebido, PIA Sorsogon)
DOH, PAG-ASA nagbabala sa publiko sa mga epektong dala ng mainit na panahon
Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Marso 16 (PIA) – Nagbabala at pinag-iingat ng Department of Health – Sorsogon Provincial Health Team (DOH-PHT) ang publiko sa mga epektong dala ng pagdating ng summer season.
Ayon kay DOH-PHT Leader Dr. Nap Arevalo, dapat na mag-ingat ang bawat indibidwal sa matagal na pagbibilad sa init ng araw lalo sa mga oras na mula alas diyes hanggang alas-tres ng hapon dahil sa posibleng epekto ng ultra-violet rays sa katawan lalo na sa balat at sa posibilidad ng pagtaas ng presyon ng dugo at heat stroke.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Arevalo ang publiko na uminom ng mas maraming tubig upang maiwasan ang posibilidad ng dehydration o pagkaubos ng tubig sa katawan. Sinabi rin niya na dapat ring iwasan ng publiko ang food poisoning lalo’t aminado silang talagang tumataas ang bilang ng mga nabibiktima nito sa panahon ng summer dahilan sa mas madaling mapanis ang mga pagkain kapag mainit ang temperatura o kondisyon ng panahon.
Sa kabilang dako, nagbabala din ang mga forecaster ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga mamamayan na maging handa ngayong pumasok na ang summer season sa bansa.
Abiso nito na palagiang magdala ng inuming tubig at mga pananggalang sa init tulad ng payong, sombrero, gumamit ng sunblock upang makaiwas sa epekto ng panahon. Inamin din ng ahensya na makakaranas pa rin ng mga kalat-kalat na mga pag-uulan ang Sorsogon sa kabila ng pagdedeklara ng summer season. (BARecebido, PIA Sorsogon)
Thursday, March 15, 2012
85 kapulisan lumahok sa 2nd PD’s Cup Shooting Competition
Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Marso 15 (PIA) – Labingwalong mga kapulisan mula sa iba’t-ibang mga himpilan sa buong lalawigan na sakop ng Sorsogon Police Provincial Office sa pamumuno ni PSupt John CA Jambora ang lumahok sa isinagawang 2nd Provincial Director’s Cup Shooting Competition sa pakikiisa sa Kasanggayahan Gun Club kamakailan.
Sa Rules on Gun Safety at Course Fire na ipaliwanang ni Range Master PSupt El Cid T. Roldan, tatlong bahagi ang bumuo sa kumpetisyon na kinapapalooban ng short, medium at long course at tatlong kategoryang binubuo ng standard, production at team category.
Ayon kay Police Community Relations at Public Information Officer PSI Romeo Gallinera ng Sorsogon Police Provicnial Office, tinanghal na kampeon sa standard division category si PSI Ruel M. Pedro ng Sorsogon City Police Station habang si PO1 Ronnie C. Trestiza ng Donsol Municipal Police Station ang tinanghal na kampeon sa production division men’s category at PO1 Henry B. Espinol ng Pilar Municipal Police Station sa lady’s category. Kampeon naman sa team category ang Bulan Municipal Police Station sa pamumuno ni PCI Jesus G. Callada.
Layunin ng aktibidad na mas palakasin pa ang tiwala sa sarili ang mga kapulisan at magkaroon ng tamang kaalaman sa paggamit ng baril at maisulong ang pagkakaisa, kooperasyon at sportsmanship ng mga nasa hanay ng kapulisan sa Sorsogon. (SPPO/BARecebido, PIA Sorsogon)
Subscribe to:
Posts (Atom)