Monday, March 12, 2012

AFP Chief of Staff Lt. Gen. Dellosa bibigyang parangal ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon ngayong araw


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 12 (PIA) – Nakaalerto ang buong pwersa ng militar at kapulisan ngayong araw dito sa Sorsogon kaugnay ng pagdating ni Armed Forces Chief (AFP) of Staff Lt. Gen. Jessie Diaz Dellosa, ang pangatlong AFP Chief of Staff na itinalaga sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

Nakatakdang bigyan ng parangal ng pamahalaang lalawigan at ng buong komunidad ng Sorsogon si Lt. Gen. Dellosa, isang dugong Sorsoganon dahilan sa natatanging galing at ambag na ipinakita nito sa larangan ng kanyang propesyon at sa pagkamit ng pinakamataas na posisyon sa Sandatahang Lakas ng bansa.

Matapos ang mga mahahalagang aktibidad ng opisyal sa lalawigan ng Albay ay didiretso na ito sa Sorsogon kung saan ala-una ng hapon ay inaasahang magkakaroon ng simpleng seremonya sa Sorsogon Provincial Gymnasium at doon ito bibigyang parangal sa pangunguna ni Sorsogon Governor Raul R. Lee. Magkakaroon din ng press conference na lalahukan ng mga local at national media.

Matatandaang si Lt. Gen. Dellosa ang itinalaga ni Pangulong Aquino bilang ika-43rd AFP Chief of Staff noong Disyembre 12, 2011 bilang kapalit sa posisyon ng isa ring Sorsoganon na si Gen. Eduardo Oban, Jr. matapos na magretiro ito.

Si Lt. Gen. Dellosa ay nagsilbi rin bilang Commanding General ng 2nd Infantry Division, Deputy Commander ng AFP Central Command Visayas at Commandant ng mga kadete sa Philippine Military Academy (PMA). Naging commander din si Lt. Gen. Dellosa ng Northern Luzon Command bago siya itinalagang Chief of Staff ng AFP.

Siya rin ang naging Group Commander ng Special Operation Task Group “Sulu” na naging dahilan ng pagkakadakip ni Abu Sayyaf leader Abu Solaiman at pagkakapalaya ng American missionary na si Gracia Burnham.

Nagsilbi rin ito bilang commanding officer ng Special Reaction Unit ng Presidential Security Group na promutekta kay dating Pangulong Corazon Aquino laban sa ilang mga coup attempt sa panahon ng kanyang termino.

Si Lt. Gen. Dellosa na ipinanganak sa Brgy. Sto. Domingo, Bacon District, Sorsogon City noong Enero 20, 1957 ay lumaki at nagtapos ng kanyang elementarya at sekundarya sa Lucena City. Napabilang siya sa “Matapat” class ng 1979 ng Philippine Military Academy kung saan naging kaklase din niya si Gen. Oban.

Matapos ang graduation sa PMA ay nadestino ito sa Sulu at nagkamit ng mga prestihiyosong parangal at pagkilala na kinabibilangn ng mga sumusunod: Distinguished Service Stars, Gold Cross Medals, Outstanding Achievement Medals, Gawad sa Kaunlaran, Military Merit Medals, Silver Wing Medal, Military Commendation Medals at Wounded Personnel Medals. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: