Thursday, July 19, 2012

DENR NAGSAGIBO NIN KONSULTASYON SA PROPUESTONG 23 BILYONES NA FUNDO SA 2013


LEGAZPI CITY – TANGANING MATUNGKUSAN AN TRANSPARENCY O PAGIGIN LANTAD SAGKOD ACCOUNTABILITY O PAGKAKAIGWA NIN PANINIMBAGAN SA ALOKASYON SAKA PAGGAMIT KAN FUNDO, AN DEPARTMENT OF ENVIRONMENT AND NATURAL RESOURCES O D-E-N-R AN NAGSAGIBO NIN KONSULTASYON KAN NAKAAGING LUNES, JULY 16, 2012, PARA SA 23.6 BILYONES PESOS NA PROPUESTONG BUDGET PARA SA TAON 2013.

AN D-E-N-R NAKIPAG-OLAY SA ALTERNATIVE BUDGET INITIATIVE - ENVIRONMENT CLUSTER (ABI-EC) KAN SOCIAL WATCH PHILIPPINES (S-W-P) - SARONG DAKULANG GRUPO NIN MANLAEN-LAEN NA SEKTOR PANSOCIEDAD NA NAGBUBUSOL NIN SOCIAL DEVELOPMENT O PAG-USWAG SA SOCIEDAD SA PAAGI NIN REPORMA SA BUDGET.

SINABI NI ENVIRONMENT SEC. RAMON PAJE NA AN NAUNAMBITANG KONSULTASYON SOSOG MAN SA BUDGET PARTNERSHIP AGREEMENT O B-P-A ENTRO KAN D-E-N-R BUDA ABI-EC NA MAY KATOYOHANG SOYSOYON AN MGA SUHESTYON BUDA REKOMENDASYON PARA SA PAGHIMO NIN CONSENSUS O PAGKAKASINABUTAN PARA DULONG MAPAKARHAY AN ALOKASYON SA FUNDO KAN SEKTOR KAN KAPALIBUTAN ASIN RECURSOS NATURAL.

IPIGPALIWANAG NI SEC. PAJE NA AN KONSULTASYON SA FUNDO ENTRI KAN MANLAEN-LAEN NA SECTOR BILANG PAG-OTOB MAN SA SOCIAL CONTRACT NI PRES. AQUINO SA MGA NAMAMANWAAN NA IPASUNOD AN KOMPREHENSIBONG PUBLIC FINANCE SAKA REPORMA SA BUDGET SA PAAGI NIN MAHIWASANG PARTISIPASYON NIN MGA SYUDADANO SA MGA INISYATIBA SA TRANSPARENCY ASIN ACCOUNTABILITY SA PAGHIHIMO DANGAN PAGGAMIT KAN NATIONAL BUDGET.

SINABI PA NI PAJE NA AN PIGSASARIGAN KAN SIRING NA INISYATIBA IYO AN EXECUTIVE ORDER NO. 43 NI PNOY NA NAG-EENGANYAR KAN PARTISIPASYON NIN MGA NAMAMANWAAN SA PAGPALAKAW KAN GOBYERNO DULO NA AN EPEKTIBO DANGAN LANTAD NA PAGHIMO SAKA PAGGAMIT NIN FUNDO KAN GOBYERNO.

COMPUESTO AN ABI-EC NIN MGA GRUPO AROG KAN ECOWASTE COALITION, PHIL. RURAL RECONSTRUCTION MOVEMENT, HARIBON FOUNDATION, AKSYON KLIMA, PARTNERSHIP FOR CLEAN AIR, SIBOL NG AGHAM AT TEKNOLOHIYA, BUDA AN INSTITUTE FOR CLIMATE AND SUSTAINABLE CITIES. (Ruby Mendones, OIC RPAO (052) 482-0857, rpaobicol@gmail.com/ PIA Sorsogon)

CVO nag-abiso sa tamang pangangalaga ng mga aso


Ni: Francisco B. Tumalad, Jr.

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 19 (PIA) – Muling nanawagan si Sorsogon City Veterinarian Dr. Alex Destura sa mga may alagang aso na upang masigurong ligtas ang mga ito sa sakit tulad ng Respiratory Diseases ay kailangan nilang pagawaan ito ng sariling kulungan o di kaya’y itali, pakainin ng mabuti at bigyan ng malinis na inuming tubig at bitamina.

Aniya, dapat na maisaalang-alang ng mga may alagang aso ang kaligtasan din ng kalusugan ng kanilang mga sarili at maging ng kasapi ng pamilya nito.

Maliban sa magiging pag-aalala nila kapag magkasakit ang kanilang mga alagang aso ay maaari din umanong mahawaan ng sakit ang kasapi ng kanilang pamilya, kung kayat mahigpit ang panawagan nito na tiyaking ligtas sa sakit ang kanilang mga alaga sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang atensyon at pangangalaga dito.

Dagdag pa ng beterinaryo na sa mga nagbubuntis namang aso ay dapat na dagdagan ang pagkaing ibibigay dito lalo na ang mga pagkaing nagbibigay ng bitaminang calcium at phosporous upang ang mga nasa sinapupunan nito ay maging malakas at maresistensya paglabas.

Nagbabala rin si Destura sa publiko na puspusan pa rin ang kanilang paghuhuli ng mga galang aso at umaabot na umano sa P500 ang penalidad na ipapataw sa mga may-ari ng aso sakaling mahuli ang kanilang mga alagang aso na nakakalat sa kalsada.

Samantala, sinabi rin ni Destura na isa sa mga pangunahing naapektuhan ng sobrang pag-iinit at sobrang pag-uulan dala ng pabago-bagong panahon dito sa isang lugar ay ang mga alagang hayop lalo na yaong mga nasa kabukiran kung saan nagkakaroon ng biglaang pagdami ng mga langaw, lamok at garapata na nagdadala ng sakit sa mga hayop.

Kaugnay nito, nag-abiso si Destura sa mga may-ari ng kalabaw, baka at iba pang hayop na pabakunahan ang mga ito sa edad na tatlong buwan at bawat taon upang makaiwas ito sa anumag mga sakit. (FTumalad/BARecebido, PIA Sorsogon)


Rekomendasyon ng mga lokal na mamamahayag sa Sorsogon tampok sa pulong ng PDRRMC


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 19 (PIA) – Pinagtuunang-pansin sa nakaraang pagpupulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) at ng Sorsogon Provincial Disaster Risk and Management Council (SPDRMO) ang mga rekomendasyon ng kasapi ng mga lokal na mamamahayag sa Sorsogon nang sa gayon ay higit pang mapalawak at gawing epektibo ang pagpapaabot ng mga kaalaman at paraan ng paghahanda ng mga residente at kinauukulan sa panahong may paparating, nagaganap at matapos maganap ang kalamidad.

Photo by: Von Labalan, SPDRMO
Ayon kay SPDRMO Chief Raden Dimaano, ang mga sumusunod na suhestyon at rekomendasyon ay una nang inindorso ng SPDRMO kay Sorsogon Governor Raul Lee na pinaboran naman nito bilang chairman ng PDRRMC: 1-Consistent Disaster Risk Reduction (DRR) capacity-building para sa mga media kasama na ang mga batas na may kaugnayan sa kalikasan at DRR-Climate Change Adaptation (CCA), at media exposure sa mga Local government Unit (LGU) na may proyektong DRR-CCA; 2- Isama ang media sa pagpaplano at gawing kasapi ng PDRRMC at magkaroon ng directory ng mga media sa Sorsogon; 3- Makipagkawing sa pamamagitan ng Short Messaging System (SMS), facebook at iba pang uri ng komunikasyon at magkaroon ng DRR-CCA hotline; 4- Mas madalas na ugnayan sa pagitan ng media at pamahalaan at magkaroon ng sistema ng pag-uulat na bukas sa mga pagpupulong at kaganapan mula sa website ng SPDRMO kasama na ang mga mapa, at scheduled interview sa mga broadcast outlet; 5- lingguhang programang “Kapihan para sa Kalikasan” at buwanang “one-tune station”; 6- Magtalaga ng opisyal na broadcast station sa tuwing may kalamidad na bibigyan ng gasolina o pahihiramin ng generator sakaling magkaroon ng pagpatay ng kuryente; 7- Bigyan ang mga istasyon o organisasyon ng media ng mga reference materials gamit ang sariling dialekto at magkakatulad na mga infomercials at adbokasiyang maaaring maisahimpapawid, at gamitin ang mandated free airtime sa mga local TV cable networks para sa paghahatid ng mga impormasyon; 8- Magsagawa ng DRR-CCA at monitoring/evaluation sa mga paaralan; at 9- Magbigay ng mabibigat na penalidad  alinsunod sa penal provision ng RA 10121 para sa hindi sumusunod na mga LGUs; subukan ang tinatawag na “shame campaign” at pangalanan ang mga barangay na hindi sumusunod sa alituntunin ng batas, subalit bigyan naman ng papuri at pagkilala yaong mga sumusunod na LGU.

Ang naturang mga suhestyon at rekomendasyon ng lokal na media ay resulta ng naganap na Disaster Risk Reduction-Climate Change Adaptation (DRR-CAA) Orientation para sa mga lokal na mamamahayag ng Sorsogon noong Hunyo 8 at 9, 2012.

Buo naman ang tiwala ng SPDRMO na sa pamamagitan ng pagbigay-atensyon at aksyon sa mga rekomendasyong ito ay higit na magkakaroon ng bukas na Ugnayan ang SPDRMO, mga kasapi ng PDRRMC at mga lokal na mamamahayag ng Sorsoogn. (BARecebido, PIA Sorsogon/VLabalan, SPDRMO)

Wednesday, July 18, 2012

Project NOAH ipinakilala ng DOST-PAGASA sa Sorsogon


Photo by: Von Labalan, SPDRMO
Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 18 (PIA) – Ipinakilala at itinuro ng mga kinatawan ng Department of Science and Technology–Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) ang paggamit ng Nationwide Operational Assessment of Hazards and Risks o Proyektong NOAH sa mga kasapi ng Provincial, Municipal at City Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) at Planning and Development Officer (PDO), ilang kasapi ng Sangguniang Panlalawigan, mga kinatawan ng provincial government office, national government line agencies at iba pang mga stakeholders sa Sorsogon.

Layunin ng proyektong ito na mapag-ibayo ang pambansang pagsisikap na higit pang mapalawak at puspusang mapa-unlad ang kahandaan para mabawasan at maisaayos ang mga patakaran sa harap ng ng mapaminsalang mga bagyo at kalamidad.

Sa pamamagitan ng Project NOAH, magagamit na ang mga datos upang makagawa ng enhanced vulnerability maps at gawing anim na oras na lamang ang pagsubaybay at paghahatid ng babala ukol sa lalim ng tubig sa malalaking ilog tulad na lamang ng Cadac-an River sa may bahaging Casiguran at Juban, Sorsogon.

Sa ginawang pagtalakay ni PAGASA Weather Facilitator Specialist Erie S. Estrella, ma-aakses umano ang Project NOAH sa www.noah.dost.gov.ph at doon ay makikita ang iba’t-ibang mga link na iki-klick lamang upang makuha ang datos na kailangan tulad umano ng weather outlook, flood map, temperature, mga naka-install na Autimatic Rain Gauge (ARG) at Automatic Weather Station (AWS) at ang iba’t-ibang mga istasyon ng Doppler sa bansa.

Ayon kay Estrella, maging ang mga ordinaryong mamamayan na hindi empleyado ng PAGASA at Phivolcs ay maaari na rin umanong makapagsagawa ng pagsubaybay sa lagay ng panahon at kung may mga paparating na kalamidad tulad ng tuloy-tuloy na pag-uulan, bagyo at baha.

Ang pagpapakilala sa Proyektong NOAH at paggamit ng mga datos mula sa AWS at ARG ay bahagi ng Disaster Awareness and Risk Reduction Information and Education Campaign ng DOST-PAGASA. 


Samantala, iminumungkahi naman ng SPDRMO sa PAGASA na madagdagan pa ang AWS sa Sorsogon na balak nilang ilagay sa mga bayan ng Matnog at Donsol at ilan pang mga ARG sa iba’t-ibang mga munisipalidad sa lalawigan bilang bahagi pa rin ng pagpapalakas pa ng sistema ng pagsubaybay sa lagay ng panahon at pagtaya ng posibilidad ng pagbaha sa Sorsogon.
Participants of the AWS Seminar-Workshop. Photo: Von Labalan, SPDRMO

Sa kasalukuyan ay mayroong isang AWS sa Barcelona, Sorsogon na regular na sinusubaybayan ng PAGASA. (BARecebido, PIA Sorsogon)

Anim na bayan sa Sorsogon kabilang sa 2011 Top List ng BLGF


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 18 (PIA) – Anim na mga bayan sa lalawigan ng Sorsogon ang nagpakitang gilas sa larangan ng pagkolekta ng buwis noong nakaraang 2011 kung saan kinilala ito ng Regional Association of Treasurers and Assessors of Region V (REGATA V) sa isinagawa nilang Regional Conference kamakailan sa Virac, Catanduanes.

Ayon kay OIC Regional Director Florencio C. Dino II ng Bureau of Local Government and Finance (BLGF) kabilang sa mga bayang ito ay ang Matnog, Barcelona, Irosin, Castilla, Bulusan at Sta. Magdalena.

Aniya, apat na kategorya ng tax revenue collection ang kanilang isinasa-alang-alang sa pagpili ng mga Outstanding Local Government Units (LGUs), ito ay ang Real Property Tax, Business Tax, Fees and Charges at Economic Enterprise.

Sa bahagi ng Real Property Tax, nakabilang sa Top Three 3rd class municipality ang Matnog, Sorsogon mula sa 25 mga LGU sa buong rehiyon ng Bicol. Mula naman sa 18 LGU na kabilang sa 5th class municipality ay nakasama sa Top Three ang Barcelona, Sorsogon. Nakabilang din ang Barcelona sa Top Three 5th class municipality sa ilalim ng Economic Enterprise.

Sa kabuuang koleksyon ng buwis, kabilang sa nanguna ang mga sumusunod na bayan: Top Three 2nd class municipality ang Placer, Masbate; Irosin, Sorsogon; at Cawayan, Masbate; Top Three 3rd class municipality ang Matnog, Sorsogon; Pio Duran, Albay; at Castilla, Sorsogon; Top Three 4th class municipality ang Bulusan, Sorsogon; Balud at Pio V. Corpuz sa lalawigan naman ng Masbate.

Samantala, para sa 2011 Most Outstanding Local Governments, Treasurers and Assessors ng Region V, nakabilang sa listahan ng Top Five 2nd class municipality ang bayan ng Irosin, Sorsogon pagdating sa Real Property Tax sa pagsisikap na rin ni Mayor Eduardo E. Ong, Jr, Treasurer Adonis Fortes at Assessor Rosemarie F. Sayson; kabilang din ang Bulusan, Sorsogon sa 4th class municipality sa pagsisikap ni Mayor Michael G. Guysayko, Treasurer Jasmin G. Garcia at Assessor Jesus D. Gabionza; at ang Barcelona, Sorsogon sa 5th class municipality sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Manuel L. Fortes, Jr., Treasurer Catalina G. Fulgar at Assessor Cynthia Evasco.

Ang bayan ng Barcelona ay kabilang din sa Top Five 5th class municipality sa may mataas na koleksyon sa ilalim ng Economic Enterprise. Habang ang bayan ng Matnog, Sorsogon naman sa pamumuno ni Mayor Emilio G. Ubaldo, Sr., Treasurer Virginia E. Laco at Assessor Ramon G. Gacis, Jr. ay nakabilang sa Top Five 3rd class municipality na may mataas na koleksyon ng Fees and Charges at Business Tax. Pasok din ang Sta. Magdalena, Sorsogon sa 5th class municipality pagdating sa Business Tax Collection sa pamumuno naman ni Mayor Alejandro E. Gamos at Treasurer Ryan F. Genorga.

Sa Over-all standing ng 2011 Most Outstanding Local Governments, Treasurers and Assessors ng Region V, napabilang sa Top Five ang mga bayan ng Matnog (3rd class), Bulusan (4th class) at Barcelona (5th class) na pawang nasa lalawigan ng Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

Tuesday, July 17, 2012

DTI Sorsogon nanawagang samantalahin ang libreng sertipikasyon ng mga helmet


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 17 (PIA) – Nanawagan si Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon Consumer Welfare Desk Evelyn Paguio sa mga motoristang gumagamit ng helmet na samantalahin ang libreng aplikasyon para sa sertipikasyon ng kanilang mga helmet na magtatagal hanggang sa Setyembre ngayong taon.

Aniya, ang hakbang na ito ay alinsunod sa memorandum na ipinadala ng Bureau of Product Standards Manila kung saan pansamantalang inaalis ang P 101.25 na bayad para sa pagproseso ng aplikasyon (P100.00) at stiker (P1.25) na ibibigay ng DTI.

Subalit nilinaw ni Paguio na magpapatuloy pa rin ang pagtanggap nila ng aplikasyon para sa sertipikasyon ng mga helmet hanggang sa Disyembre 31, 2012.

Aniya, dapat na dalhin ng mga motorista ang kanilang ginagamit na helmet sa tanggapan ng DTI upang masuri kung nasa quality standard ito bago nila ito lagyan ng Import Commodity Clearance (ICC) sticker ng Bureau of Product Standards (BPS).

Matatandaang pinaigting pa ng pamahalaan ang kampanya sa paggamit ng helmet  sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Joint Administrative Order No. 1 series of 2012 ng Department of Transporation and Communication (DoTC) at Department of Trade and Industry (DTI) na nag-aatas sa mga motorista na iparehistro ang kanilang ginagamit na helmet para na rin sa personal nilang kaligtasan. (BARecebido, PIA Sorsogon)