Monday, July 16, 2012

DTI Sorsogon bukas na sa pagsesertipika ng mga helmet


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 16 (PIA) – Nanawagan ang pamunuan ng Departement of Trade and Industry (DTI) Sorsogon sa mga drayber at back rider ng mga motorsiklo na pasertipikahan sa kanilang tanggapan ang kanilang helmet at visor bago ito gamitin.

Ayon kay DTI Sorsogon Consumer Welfare Desk Officer Evelyn Paguio ang nasabing mandatory certification ay bilang tugon sa Joint Administrative Order (AO) No. 01 series of 2012 ng Department of Transportation and Telecommunications (DOTC) at ng Department of Trade and Industry (DTI), kung saan lahat ng mga gumagamit ng mga helmet ay visor ay dapat na kumuha ng clearance mula sa DTI bago nila ito gamitin upang matiyak ang kaligtasan ng mga drayber at pasahero ng motorsiklo.

Aniya, nakapaloob sa AO na lahat ng mga gagamiting helmet at visor ay naaayon sa rekisitos ng DTI at dapat na makikita dito ang mga markang Philippines Standard (PS) o ang Import Commodity Clearance (ICC) ng Bureau of Product Standards (BPS).

Ayon pa kay Paguio, bukas na umano ang tanggapan ng DTI Sorsogon sa pagtanggap ng mga aplikasyon para sa nasabing sertipikasyon at positibo umano silang tutugon ang mga kinauukulan para na rin sa kanilang personal na kaligtasan.

Ang nasabing AO ay alinsunod sa section 6 ng Republic Act No. 10054 o ang “Motorcycle Helmet Act of 2009” na nagbibigay ng mga alituntunin para sa paggawa, pagbebenta o pangangalakal ng mga pamprotektang mga helmet. Batay sa batas na ito, dapat na gumamit ng helmet ang lahat ng mga drayber ng motorsiklo at kanilang pasahero, sa unahan man o sa likuran, na bumibyahe sa lahat ng lansangan sa Pilipinas.

Nanawagan din si Paguio sa mga drayber ng motorsiklo na iwasang magoverloading ng pasahero at magsakay ng mga bata upang maiwasan ang mas malalaki pang pinsala sakaling magkaroon ng aksidente o hindi maiiwasang mga pangyayari habang nagmamaneho. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: