Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 12 (PIA) – Sa
pangunguna ng Parent Advocate for Visually Impaired Children (PAVIC) isinagawa
kamakailan dito sa lungsod ng Sorsogon ang kauna-unahang Theraphy Orientation
Seminar Workshop para sa mga magulang ng mga batang may iba’t-ibang mga kapansanan
lalo na sa paningin at may espesyal na pangangailangan o Children with Multiple Disabilities and Visual Impairment (MDVI).
Ayon kay PAVIC Board of trustees Chairman
Francis Choy, naniniwala ang PAVIC na may kapansanan man, ang mga batang ito ay
dapat pa ring mabigyan ng pagkakataong maranasanan ang anumang mga oportunidad
sa buhay ayon sa kanilang abilidad at kagustuhan nang sa gayon ay normal na
makahalubilo ito sa komunidad na kanilang kinabibilangan lalo na sa kanilang
paglaki.
Sinabi ni Choy na dapat na palakasin pa ang
ugnayan ng PAVIC Sorsogon sa mga korporasyon, pribadong indibidwal, non-government
organization at iba pang mga sektor na makapagbibigay ng magandang kinabukasan
sa kanilang mga anak.
Aminado siyang hindi nagpapabaya ang
pamahalaan sa pagpapatupad ng programa para sa mga espesyal na mga batang may
MDVI subalit hindi umano nito kakayaning maibigay lahat ng pangangailangan ng
mga batang ito kung kaya’t kailangan ang suporta ng iba pang mga sektor at
institusyon.
Apatnapung mga magulang at guro sa Special
Education (SPED) ang lumahok sa nasabing pagsasanay kung saan tinalakay ang mga
adbokasiya ng PAVIC ukol sa uri ng suportang kailangan ng espesyal na mga
batang ito mula sa kanilang mga magulang at kung paano maisusulong ang
pagtutulungan ng pamahalaan at non-government institution nang sa gayon ay
matugunan ang mga pangangailangang ito.
Nagpaabot naman ng pasasalamat sa PAVIC at
mga guro sa SPED si Sorsogon East Central School (SECS) Principal Dr. teresita
H. Dreu at sinabi nitong ginagawa ng ng SECS-SPED at ng pamahalaan ang lahat ng
makakaya nito upang maturuan ang mga batang may kapansanan at espesyal na
pangangailangan sa pamamagitan ng Department of Education (DepEd).
Ilan sa mga naging
tagapagsalita mula pa sa Metro Manila ay sina Occupational Therapist Enrico
Aguila, Speech Therapist Jamie Dela Cruz Mallari, at Physical Therapist Alla
Nica Bandong. Binigyan nito ang mga magulang at guro ng oryentasyon at
demonstrasyon ng mga pangunahing kasanayan kaugnay ng tamang pagtrato sa may
mga batang may occupational, physical, speech at behavioral problems na
magagamit nila sa loob ng bahay at sa paaralan, kasama na rin ang tamang
pag-intindi sa mga batang visually impaired at may MDVI.
Samantala, matapos ang
seminar-workshop ay nagkaroon naman ng panunumpa ang mga bagong opisyal ng PAVIC
Sorsogon na sina Emerlita M. Frayna, President; Ma. Lourdes D. Hermida,
Vice-President; Ma. Lilibeth O. Hatoc, Secretary; Rosalie N. Divina, Treasurer
at Heide Juliet F. Garrate, Auditor. (BARecebido, PIA Sorsoogn/MHatoc)
No comments:
Post a Comment