Monday, July 16, 2012

Pagsasanay sa pagtugon sa pangangailangan ng mga batang may MVDI isinagawa


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 12 (PIA) – Sa pangunguna ng Parent Advocate for Visually Impaired Children (PAVIC) isinagawa kamakailan dito sa lungsod ng Sorsogon ang kauna-unahang Theraphy Orientation Seminar Workshop para sa mga magulang ng mga batang may iba’t-ibang mga kapansanan lalo na sa paningin at may espesyal na pangangailangan o Children with Multiple Disabilities and Visual Impairment (MDVI).

Ayon kay PAVIC Board of trustees Chairman Francis Choy, naniniwala ang PAVIC na may kapansanan man, ang mga batang ito ay dapat pa ring mabigyan ng pagkakataong maranasanan ang anumang mga oportunidad sa buhay ayon sa kanilang abilidad at kagustuhan nang sa gayon ay normal na makahalubilo ito sa komunidad na kanilang kinabibilangan lalo na sa kanilang paglaki.

Sinabi ni Choy na dapat na palakasin pa ang ugnayan ng PAVIC Sorsogon sa mga korporasyon, pribadong indibidwal, non-government organization at iba pang mga sektor na makapagbibigay ng magandang kinabukasan sa kanilang mga anak.

Aminado siyang hindi nagpapabaya ang pamahalaan sa pagpapatupad ng programa para sa mga espesyal na mga batang may MDVI subalit hindi umano nito kakayaning maibigay lahat ng pangangailangan ng mga batang ito kung kaya’t kailangan ang suporta ng iba pang mga sektor at institusyon.

Apatnapung mga magulang at guro sa Special Education (SPED) ang lumahok sa nasabing pagsasanay kung saan tinalakay ang mga adbokasiya ng PAVIC ukol sa uri ng suportang kailangan ng espesyal na mga batang ito mula sa kanilang mga magulang at kung paano maisusulong ang pagtutulungan ng pamahalaan at non-government institution nang sa gayon ay matugunan ang mga pangangailangang ito.

Nagpaabot naman ng pasasalamat sa PAVIC at mga guro sa SPED si Sorsogon East Central School (SECS) Principal Dr. teresita H. Dreu at sinabi nitong ginagawa ng ng SECS-SPED at ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang maturuan ang mga batang may kapansanan at espesyal na pangangailangan sa pamamagitan ng Department of Education (DepEd).

Ilan sa mga naging tagapagsalita mula pa sa Metro Manila ay sina Occupational Therapist Enrico Aguila, Speech Therapist Jamie Dela Cruz Mallari, at Physical Therapist Alla Nica Bandong. Binigyan nito ang mga magulang at guro ng oryentasyon at demonstrasyon ng mga pangunahing kasanayan kaugnay ng tamang pagtrato sa may mga batang may occupational, physical, speech at behavioral problems na magagamit nila sa loob ng bahay at sa paaralan, kasama na rin ang tamang pag-intindi sa mga batang visually impaired at may MDVI.

Samantala, matapos ang seminar-workshop ay nagkaroon naman ng panunumpa ang mga bagong opisyal ng PAVIC Sorsogon na sina Emerlita M. Frayna, President; Ma. Lourdes D. Hermida, Vice-President; Ma. Lilibeth O. Hatoc, Secretary; Rosalie N. Divina, Treasurer at Heide Juliet F. Garrate, Auditor. (BARecebido, PIA Sorsoogn/MHatoc)
    

No comments:

Post a Comment