Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 16 (PIA) –
Nanawagan ang pamunuan ng Departement of Trade and Industry (DTI) Sorsogon sa
mga drayber at back rider ng mga motorsiklo na pasertipikahan sa kanilang
tanggapan ang kanilang helmet at visor bago ito gamitin.
Ayon kay DTI Sorsogon Consumer Welfare Desk
Officer Evelyn Paguio ang nasabing mandatory certification ay bilang tugon sa
Joint Administrative Order (AO) No. 01 series of 2012 ng Department of
Transportation and Telecommunications (DOTC) at ng Department of Trade and
Industry (DTI), kung saan lahat ng mga gumagamit ng mga helmet ay visor ay
dapat na kumuha ng clearance mula sa DTI bago nila ito gamitin upang matiyak
ang kaligtasan ng mga drayber at pasahero ng motorsiklo.
Aniya, nakapaloob sa AO na lahat ng mga
gagamiting helmet at visor ay naaayon sa rekisitos ng DTI at dapat na makikita dito
ang mga markang Philippines Standard (PS) o ang Import Commodity Clearance
(ICC) ng Bureau of Product Standards (BPS).
Ayon pa kay Paguio, bukas na umano ang
tanggapan ng DTI Sorsogon sa pagtanggap ng mga aplikasyon para sa nasabing
sertipikasyon at positibo umano silang tutugon ang mga kinauukulan para na rin
sa kanilang personal na kaligtasan.
Ang nasabing AO ay alinsunod sa section 6
ng Republic Act No. 10054 o ang “Motorcycle Helmet Act of 2009” na nagbibigay
ng mga alituntunin para sa paggawa, pagbebenta o pangangalakal ng mga
pamprotektang mga helmet. Batay sa batas na ito, dapat na gumamit ng helmet ang
lahat ng mga drayber ng motorsiklo at kanilang pasahero, sa unahan man o sa likuran,
na bumibyahe sa lahat ng lansangan sa Pilipinas.
Nanawagan din si Paguio sa mga drayber ng
motorsiklo na iwasang magoverloading ng pasahero at magsakay ng mga bata upang
maiwasan ang mas malalaki pang pinsala sakaling magkaroon ng aksidente o hindi
maiiwasang mga pangyayari habang nagmamaneho. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment